Mga laro bukas:
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. – Phoenix vs Blackwater
7 p.m. – Rain or Shine vs Meralco
PINATAHIMIK ng NorthPort si high-scoring import Terrence Jones upang kumarera sa 110-86 blowout win laban sa Talk ‘N Text sa pagpapatuloy ng PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Mall of Asia Arena.
Si Jones, na may average na 40.7 points sa kanyang unang dalawang laro para sa dating walang talong KaTropa, ay nalimitahan sa 17 points at 14 rebounds upang manatiling walang dungis ang Batang Pier at sumalo sa liderato sa 3-0 kartada.
Binakuran nang husto ng NorthPort si Jones kung saan nagsalitan sa pagbabantay sina import Prince Ibeh at Mo Tautuaa sa dating NBA player upang malimitahan ito sa 5 field goals lamang sa 17 shots.
Bukod sa depensa ay naging sandigan din ng Batang Pier ang kanilang opensa kung saan anim sa kanilang players ang nagtala ng double figures, sa pangunguna ng nagbabalik na si Stanley Pringle at ni Robert Bolick na kapuwa nagmula sa bench at nag-init.
Nagbuhos si Pringle ng game-high 22 points upang muling tanghaling ‘Best Player of the Game’, habang nagdagdag si Bolick ng 21 points at 5 re-bounds.
Pinaglaruan ng balbasing si Pringle ang lahat ng players na gumuwardiya sa kanya, kasama si dating San Miguel Beer player Brian Heruela at si Jayson Castro upang tulungan ang Batang Pier na masungkit ang ikatlong sunod na panalo.
Maging si coach Pido Jarencio ay nagulat sa nilaro ng kanyang tropa.
“We almost played perfect game. We perfectly executed our game plan that lead to a lopsided fashion. We’re on the right track,” masayang pahayag ni Jarencio.
“We played well offensively and defensively. This is a team effort. They showed their true character. I’m happy the way my players played tonight. Sana ganito lagi.”
Tumipa si Ibeh ng 18 points, 20 rebounds at 3 blocks, nag-ambag si Sean Anthony ng 13 points, 5 rebounds at 5 assists, gumawa si Tautuaa ng 11 points, 8 rebounds, 6 assists at 3 steals, habang tumapos si Garvo Lanete na may 12 points para sa Batang Pier.
Determinadong manalo at panatilihin ang malinis na record, na-outshoot at na-outrebound ng Batang Pier ang Tropang Texters.
Iskor:
NorthPort (110) – Pringle 22, Bolick 21, Ibeh 18, Anthony 13, Lanete 12, Tautuaa 11, Elorde 9, Grey 2, Gabayni 2, Flores 0, Taha 0, Arana 0.
TNT (86) – Rosario 22, Pogoy 19, Jones 17, Castro 10, Heruela 5, Taha 4, Trollano 4, Semerad 3, Reyes 2, Williams 0, Golla 0, Miranda 0, Casino 0.
QS: 25-28, 43-44, 77-65, 110-86
Comments are closed.