Inilayo ni JP Calvo ng Terrafirma ang bola mula kina Paul Zamar at Kent Salado ng NorthPort sa PBA On Tour kagabi sa Ynares Arena sa Pasig City. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro sa Miyerkoles:
(Ynares Arena- Pasig)
5 p.m. – Meralco vs NLEX
7:30 p.m. – Rain or Shine vs TNT
BUMAWI si Arvin Tolentino mula sa ‘so-so game’ at pinangunahan ang NorthPort sa 104-100 pagdispatsa sa Terrafirma, sa PBA On Tour nitong Linggo sa Ynares Arena sa Pasig.
Nagbuhos si Tolentino ng game-high 28 points at 9 rebounds kung saan ang huling pito sa kanyang mga puntos ay kinamada niya sa huling 1:35 ng laro na naging tuntungan ng Batang Pier upang burahin ang 97-99 deficit.
Sa panalo ay umangat ang NorthPort sa 4-4 record at naputol ang kanilang two-game slide, tampok ang 87-95 pagkatalo sa NLEX noong nakaraang Miyerkoles nang umiskor lamang si Tolentino ng 9 points.
“Galing sa dalawang talo, eh, and iyon ang ine-emphasize ni coach (Bonnie Tan) sa amin in our past practices, na kailangang higpitan pa namin depensa namin,” anang 27-year-old forward, na nagwagi ng dalawang titulo noong siya ay nasa Barangay Ginebra pa.
“As a leader sa team kailangan kong mag-lead by example.”
Nagdagdag si Paul Zamar ng 21 points, 6 rebounds at 4 assists sa isa pang solid outing habang sumuporta si JM Calma na may 18 points at 9 rebounds at nag-ambag si Joshua Munzon ng 14 points makaraang gumawa lamang ng 6 points laban sa NLEX.
Ang talo ay ikatlong sunod ng Terrafirma, at nahulog sa 3-6 kartada. Subalit sa pagkakataong ito ay matikas na nakihamok ang Dyip kung saan humabol ito mula sa hanggang 17-point deficit.
Nanguna si Juami Tiongson para sa Terrafirma na may 25 points habang nagdagdag si Javi Gomez de Liano ng 19 at team-high eight boards, at umiskor sina Jelo Alolino ng 16 markers at Isaac Go at Aldrech Ramos ng tig-11.
-CLYDE MARIANO