ANG bawat bansa ay mayroong mga batas na ipinatutupad upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan dito. Sa Pilipinas, mayroon tayong sarili at mahigpit na panuntunan kung saan nakalahad ang lahat ng batas na ipinatutupad sa bansa at ang mga karampatang parusang maaaring ipataw sa sinumang lalabag dito.
Ang mga batas na ito ay dapat bigyang respeto at sundin hindi lamang ng mga mamamayan ng bansa kundi pati na rin ng mga dayuhang namamalagi, bumibisita at nagnenegosyo rito gaya kung paanong ang mga turistang Pilipino at overseas Filipino workers (OFWs) ay sumusunod sa batas ng bansa kung saan sila bumibisita at nagtatrabaho. Ang sinumang lumabag sa batas, lokal na mamamayan man o banyaga, ay dapat managot.
Mabigat sa loob na malaman na mayroong ilang Taiwanese nationals na empleyado ng Chailease International Financial Services Ltd. Taiwan ang tila ‘di tumupad at hindi kinikilala ang ating batas at sinusubok pa itong takasan.
Ayon sa mga ulat, noong nakaraang taon ay nagsampa ng kaso ang CAPP Industries Inc., isang lokal na logistics provider sa bansa, laban sa pitong Taiwanese national dahil sa umano’y ginawa nitong qualified theft sa Airbus Helicopter H130 na may registry number RPC 8625 na pag-aari ng CAPP Industries. Nakipagsabwatan anila ang Taiwanese nationals sa ilang miyembro ng mga kompanyang Philjets Aero Charter Corp., at Airbus Helicopters Philippines Inc.
Ayon pa sa ulat, matapos makuha ang mga impormasyon at makakita ng probable cause noong Setyembre 2021, nag-isyu ng warrant of arrest ang Pasay City Regional Trial Court (RTC) para sa mga opisyal ng Chailease na sangkot sa kaso. Naglabas din ito ng hold departure order noong ika-4 ng Oktubre 2021 upang masigurong hindi makalalabas ng bansa ang mga sangkot na Taiwanese national.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring pinaghahanap ang mga sangkot sa kaso kaya minabuti ng CAPP Industries na humingi na ng ayuda sa Interpol para sa extradition ng mga Taiwanese national, sa pakikipagtulungan din ng Philippine National Police’s Criminal Investigation and Detection Group (PNP/CIDG).
Lumutang naman kamakailan ang abogado ng mga Taiwanese national at kinuwestiyon ang naging desisyon ng Pasay City prosecutor’s office. Iginigiit nitong wala raw basehan ang kasong isinampa sa kanyang mga kliyente. Mayroon daw silang hawak na ebidensiyang makapagpapatunay na hindi CAPP Industries ang may-ari ng nasabing Airbus. Ang pinagtataka lang ng mga observer sa issue na ito ay matapos ang ilang buwan ay saka lamang maglalabas ng ganitong paghamon sa desisyon ng Pasay City prosecutor’s office ang kampong kinasuhan.
Kailangang mag-ingat ang kampo ng mga kinasuhan sa kanilang mga hakbang dahil malapit na nitong labagin ang tinatawag na sub judice rule. Sa aking pagkakaalam, sa ilalim ng sub judice rule, kapag ang isang kaso o kontrobersiya ay pinangangasiwaan na ng korte, wala nang sinuman, maging ang miyembro ng media, ang maaaring manghimasok dito para ‘di maimpluwensiyahan ang kaso. Ipinagbabawal na ang pampublikong diskusyon ukol sa kaso.
Ang isa pang tila nakagagambala sa mga kaganapan ay ang pagrekomenda ng abogado ng mga Taiwanese national na dalhin ng Chailese ang CAPP Industries sa Singapore o New York para sa abritrasyon. Sa halip na kung ano-anong hakbang ang inirerekomenda ng nasabing abogado sa kanyang kliyente, hindi ba ang dapat ay iharap nila ang kanyang mga kliyenteng pinaghahanap ng batas mula pa noong nakaraang buwan sa batas ng Pilipinas? Dapat ay harapin nang maayos ng mga Taiwanese national ang kasong isinampa laban sa kanila.
Ilang buwan nang sinusubukang paikutin at takbuhan ng mga dayuhan ang batas ng Pilipinas. Dapat nilang harapin ang resulta ng kanilang ginawa dito sa ating bansa. Kailangan nilang pagdaanan ang prosesong legal alinsunod sa ating batas at pangangasiwa ng korte.
Ang pamamalagi sa ating bansa ng kahit na sino mang dayuhan gaya ng mga Taiwanese national na sangkot sa kaso ay nangangahulugan na mayroon silang obligasyon na sundin ang batas na ipinaiiral dito.
Kung sila ay lalabag sa ating batas, nararapat lamang na managot sila at tanggapin ang magiging parusa. Narito sila sa ating bansa, dapat lamang na igalang at sundin nila ang batas na pinaiiral dito tulad ng pagsunod ng mga kababayan natin sa batas ng ibang bansa pag sila naman ang dayuhan doon.