PUWEDENG lumabag sa batas trapiko ang mga tauhan ng Highway Patrol Group.
Ito ang pahayag ng MetroManila Development Authority hinggil sa pagkakabundol at malubhang pagkasugat ng isang tauhan ng HPG na si SPO2 June Villanueva matapos umarangkada ang kanyang motorsiklo sa isang intersection kahit naka-red pa ang traffic light.
Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, ang mga motorcycle escorts ng HPG ay puwedeng tumuloy kahit naka-red light pa ang signal o kung tawagin ay passing through kung mayroon silang kasamang VIP.
Makatuwiran umano ang pagbi-beating the red light na ginawa ng HPG subalit hindi ibig sabihin na tama ito, at kailangang gawin ito ng buong ingat at ‘di makapinsala sa ibang motorista, dagdag pa ni Piolago.
Iniiwan naman sa desisyon ng piskalya kung may probable cause ang piskalya para makasuhan ang nakabangga sa pulis na kasalukuyang nasa PNP Hospital dahil sa pagkabali ng ilang buto at maputulan pa ng ilang daliri sa paa.
Naghatid bilang escort ang hagad sa mga delegado ng ADAS2018 Defense Exhibition and Conference 2018 nang mangyari ang insidente sa Parañaque City sa panulukan ng Roxas Blvd. at Coastal Road kamakalawa. BENJARDIE REYES
Comments are closed.