ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang isang panukalang batas na layong paigtingin ang pagsugpo ng pamahalaan sa human trafficking.
Layong patatagin ng Senate Bill No. 1794 ang Republic Act No. 9208 na una nang inamyendahan ng Republic Act No. 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012). Ito ay upang palakasin ang mga pamamaraan ng pagtugis sa ano mang uri ng human trafficking, kabilang ang pornography, prostitusyon, pang-aabusong sekswal, forced labor, at pagbebenta ng laman loob.
Sa ilalim ng naturang panukala, maaaring magbigay ang Regional Trial Court ng pormal na kautusan upang siyasatin o i-rekord ang mga mensahe, datos, at impormasyong nagmumula sa isang taong pinaghihinalaan o nakasuhan na ng trafficking. Ngunit bago pahintulutan ito ng korte, dapat munang patunayan ng mga law enforcer o awtoridad na mayroong krimeng naganap, isinasagawa o ‘di kaya’y binabalak. Maaari silang makulong ng hanggang 12 taon kung nagsagawa sila ng surveillance nang walang pahintulot ng korte.
Bibigyan ng mandato ng naturang panukala ang mga internet service providers (ISPs) at tourism-oriented establishments na iulat at pigilan ang mga kaso ng trafficking. Tungkulin, halimbawa ng mga ISP ang pagharang sa ano mang uri ng child pornography. Magiging tungkulin naman ng mga tourism-related establishments ang pagsasanay sa kanilang mga empleyado upang matukoy ang mga posibleng insidente ng trafficking sa kanilang mga pasilidad at maiulat ang mga ito sa mga awtoridad.
Para maisakatuparan ito, palalakasin ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa pamamagitan ng pakikipagsanib pwersa sa mga ahensiyang tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Department of Health (DOH), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Transportation (DOTr), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon sa IACAT, nasa 96 porsiyento mula sa 560 hatol sa mga kaso ng human trafficking mula 2005 hanggang Hunyo ngayong taon ay may kinalaman sa sex trafficking. Sa 1,215 naging biktima, halos 57 porsiyento ay mga menor de edad.
Pinuna rin ni Gatchalian ang pag-akyat ng mga kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) sa bansa mula nang magka-lockdown dahil sa COVID-19 pandemic. Ayon kasi sa Office of Cybercrime ng Department of Justice (DOJ), umabot sa 279,166 mga kaso ng OSEC ang naitala mula Marso 1 hanggang Mayo 24, mas mataas ng 264% kung ihahambing sa parehong petsa noong nakaraang taon.
“Napapanahon nang patatagin natin ang batas upang sugpuin ang human trafficking sa bansa, lalo na’t nakita nating ang mga kabataan at kababaihan ay nasa higit na panganib. Maliban sa mas malakas na sistema para sa pagtugis sa mga kriminal, bahagi ng repormang isinusulong natin ang mas malawak na pakikipag-ugnayan sa mga ahensiya ng ating gobyerno upang masiguro natin ang kaligtasan ng ating mga kababayan,”ani VICKY CERVALES
Comments are closed.