BAWAS-PUHUNAN SA FOREIGN INVESTORS

Rep Wes Gatchalian-2

LUSOT na sa joint House Committee on Economic Affairs at Committee on Trade and Industry ang tatlong panukalang batas na nagsusulong na amyendahan ang mahigit 20 taon nang Foreign Investment Act.

Ayon kay 1st Dist. Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, chairman ng House Committee on Trade and Industry, dahil naipasa na noong 17th Congress ang panukalang pagbabago sa nasabing batas at base sa kanilang house rule ay kahit isang pagdinig lamang ay maaaring lumusot na sa committee level ang House Bills 300, 399 at 1221.

Paliwanag ng Valenzuela City lawmaker, may tatlong pangunahing pagrebisa sa Republic Act 7042 o ang Foreign Investment Act of 1991.

Una rito ang pagpapababa sa minimum na ha­laga ng puhunan na maaaring ilagak sa bansa ng dayuhang negosyante mula sa dating US$200,000 ay ginawa na lamang US$100,000.

Pangalawa ay ang pagbaba sa bilang ng kawani o tauhan na dapat magkaroon ang isang foreign company na hanggang sa 15 na lamang mula sa dating 50, at ang ikatlo ay pagpayag sa foreign professionals na makapag-practice dito sa Filipinas.

“Mahalaga po (ang mga amyenda) na ito at priority ng ating Pangulong Rodrigo Duterte at Speaker Alan Peter Cayetano dahil ang gusto nating mangyari sa panukalang ito na ang mga foreign investor ay hindi na malimita at mas maeengganyo ang foreign investors na pumasok sa Filipinas at mag-invest sa iba’t ibang industriya natin,” sabi pa ni Gatchalian.

Tiwala naman ang kongresista na kapag naging maluwag na ang pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan ay hindi ito magiging mahigpit na kakompitensiya ng mga lokal na negosyo.

“Ang rationale dito ay magkaroon ng pagkakataon ang foreign investors natin na makilahok sa iba’t ibang industriya sa ating bansa dahil may mga industriya dito, as the president personally mentioned ay hawak ng mga monopolya, ng mga malalaking kompanya. So by doing these, we are giving more opportunity, more labor at more competitions which ang consumers po ang magbe-benefit dito,” dagdag pa ng kongresista.

Pawang suportado naman ng Department of Trade and Industry (DTI), National Economic Development Authority (NEDA), Philippine Stock Exchange (PSE), European Chamber of Commerce at American Chamber of Commerce ang  pag-amyenda sa Foreign Investment Act. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.