BAWAS ‘WORK LOAD’ SA TEACHERS

Rep-France-Castro

TILA sa bibihirang pagkakataon, tumanggap ng papuri mula sa isang militanteng mambabatas ang ahensiya ng gob­yerno partikular ang Department of Education (DepEd).

Sa isang pahayag, ipinaabot ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, na miyembro ng tinaguriang Makabayan bloc sa Kamara, ang kanyang kagalakan sa nasabing kagawaran dahil sa aksiyon ng pamunuan nito para sa ikabubuti ng public school teachers.

“Salamat at tinugunan ng DepEd ang malawakang kahilingan ng mga guro na bawasan ang mga paperworks na ipinagagawa sa kanila. ‘Di biro ‘yung mula sa 36 forms naging 10 na lang. Ngunit susuriin pa natin ang 10 forms na ito,” pahayag ng  lady partylist solon.

Kasabay ng pagdiriwang ng National Teacher’s Month at ang nalalapit na World Teacher’s Day, ay nagpaabot ng kanilang hinaing ang mga pampublikong guro sa hirap na nararanasan umano nila sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Gayundin, bukod umano sa hindi nakasasapat na buwanang suweldo, inirereklamo ng mga public school teacher ang tambak na ‘paper works’ at iba pang gawain na kanilang binubuno, na labas sa pangunahin nilang responsibilidad na pagtuturo sa mga kabataang Filipino.

Ayon kay Castro, ma­rami pa ring gawain sa loob ng paaralan na hindi kabilang sa ‘job description’ ng mga guro ang pilit pa ring ipinagagawa sa mga public school teacher.

Kabilang umano rito ang pagiging ‘guidance teacher’, sa halip na kumuha ng ‘professional guidance counselors’ ang pamahalaan; minsan ay pag-akto rin bilang ‘clinic teacher’ dahil kalimitan ay walang nurse o doktor na nakatalaga sa mga pampublikong paaralan.

“Hindi gawain ng mga guro ang mangalaga sa kalusugan ng mga bata. Puwede lang i-refer ang batang maysakit, naaksidente at may karamdaman. Nararapat lamang na may doktor at nurse sa bawat paaralan,”  giit ng congresswoman.

Dagdag niya, nagi­ging ‘canteen teacher’, tagapag-monitor ng 4Ps benificiaries, ‘registrar teacher, financial staff’ at maging sa puntong pag-aktong ‘repairman’, karpintero at ‘electrician’ ay ginagampanan na aniya ng mga guro.

Kaya naman bagama’t pinuri ang DepEd sa pagbawas sa ibang ipinagagawa nito sa kanilang ‘teaching personnel’ ay may puna pa rin sa ahensiya si Castro.

“Ang panawagan natin sa DepEd ay rebyuhin din ang ilang mga gawaing nabanggit at tiyaking hindi na ito ipagagawa sa mga guro. Sa mga guro, maging mapanuri po tayo at tumanggi kung alam nating mali at pagsasamantala na ang ipinagagawa sa atin,” anang congresswoman.

“Panawagan natin sa gobyerno na pondohan ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng education support personnel upang gampanan ang mga responsibilidad na nabanggit sa itaas at hindi na maipasa sa mga guro,” dagdag pa ni Castro.     ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.