LITERAL na sinusubok ng panahon ang tibay ng mga Filipino. Hindi pa man napagtatagumpayan ang laban sa pandemyang COVID-19 ay dumagdag pa ang pananalanta ng mga bagyo sa pinagdaraanang pagsubok ng bansa.
Sa loob lamang ng tatlong linggo ay anim na bagyo agad ang dumaan sa bansa – dalawa rito ay nagsanhi ng matinding pinsala sa mga lugar na direktang tinamaan ng mga bagyo.
Ang bagyong Rolly, ang tinukoy na pinakamalakas na bagyo sa taong 2020, ay nanalasa sa rehiyon ng Bicol at sa Timog na bahagi ng Luzon. Matindi ang pinsalang inabot ng nasabing mga lugar kung saan 25 ang naitalang nasawi. Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), umabot din sa P14.1 bilyon ang halaga ng pinsala ng nasabing bagyo sa imprastraktura at agrikultura ng rehiyon ng Bicol at Calabarzon.
Hindi pa man tuluyang lumilipas ang pamiminsala ng bagyong Rolly, isang malakas na bagyo na naman ang pumasok sa bansa at tumama sa Luzon at ilang bahagi ng rehiyon ng Bicol. Ito ay pinangalanang bagyong Ulysses, ang ika-21 na bagyo na dumaan sa bansa ngayong taon. Ang nasabing bagyo ay naging sanhi ng matinding pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila, Cagayan, at Gitnang Luzon.
Ayon sa NDRRMC, umaabot na sa 67 ang kasalukuyang bilang ng mga nasawi sa pananalanta ng bagyong Ulysses. Marami rin ang naitalang sugatan at isang dosena naman ang hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan. Ayon naman sa Department of Public Works and Highways (DPWH), umaabot na sa humigit kumulang P4.254 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura ng bagyong Ulysses.
Bagama’t panahon ng pandemya, hindi naman ito naging hadlang para sa mga taong nagnanais magpaabot at magdala ng tulong sa mga lugar na lubos na napinsala ng nasabing mga bagyo. Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, patuloy namang isinabubuhay ng mga Filipino ang kultura ng bayanihan ngayong may kalamidad. ‘Ika nga, kung gusto, may paraan.
Matatawag na modernong paraan ng bayanihan ang ipinamalas ng mga netizen kamakailan. Noong Biyernes, ika-13 ng Nobyembre, ay nag-trending sa Facebook at Twitter ang hashtag na #CagayanNeedsHelp. Ito ay matapos kumalat ang mga bidyo at larawan ng mga residente sa Cagayan na humihingi ng saklolo mula sa bubungan ng kani-kanilang mga bahay dahil sa matinding pagbaha sa kanilang mga lugar. Ang malawakang pagbaha sa mga probinsya ng Cagayan at Isabela ay maituturing na pinakamatinding pagbaha sa kasaysayan ng lugar. Ang pagbaha ay sanhi ng pagpapalabas ng tubig ng Magat Dam matapos nitong umapaw.
Ayon sa isang panayam kay Operations Chief of the Office of Civil Defense sa Cagayan Valley (OCD-2) Ronald Villa, 24/7 silang rumeresponde sa mga mamamayan na hindi makaalis sa kanilang mga bahay dahil sa matinding pagbaha.
Maituturing talagang isang makapangyarihang plataporma ang social media lalo na ngayong panahon ng kalamidad. Maraming mga indibidwal ang boluntaryong nag-organisa ng mga donation drive gamit ang social media para sa mga taga-Cagayan.
Ang ibang miyembro ng pribadong sektor ay nagpakita rin ng matinding pagmamalasakit at pagsuporta sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses. Agad nakipagtulungan ang MVP Group of Companies, sa pangunguna ni Chairman Manuel V. Pangilinan, sa mga lokal na pamahalaan upang makapaghatid ng tulong sa mga lugar na nasalanta ng mga bagyo.
Ang PLDT-Smart Foundation (PSF) ay nagbigay ng mga rescue boat bilang donasyon sa Philippine Air Force upang makatulong sa rescue operation ng mga ito. Ang mga nasabing rescue boat ay ginamit sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Ayon sa mga ulat patungkol sa bagyong Ulysses, ang lebel ng tubig sa Marikina River ay tumaas ng aabot sa 22 meters. Ito ay mas mataas pa sa lebel ng tubig noong panahon ng bagyong Ondoy noong 2009. Agad nagpadala ng mga care package sa Marikina ang Alagang Kapatid Foundation, Inc., ang sangay ng TV5 na namamahala sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Sa pakikipagtulungan nito sa Smart Community Partnership at PLDT Community Relations, nagpamigay ito ng mga pagkain sa mga residente ng Barangay Tanong at Barangay Banaba. Ang One Meralco Foundation (OMF) naman na sangay ng Meralco, ay nagpadala ng pagkain sa mga taga-Barangay Tumana na pansamantalang nanunuluyan sa Marikina National Highschool.
Magaan sa kalooban ang makita ang bayanihan na patuloy na umiiral sa ating bansa sa panahon ng kalamidad. Kahit saang sulok ng Filipinas ay nakararating ang mga tulong dahil sa pagkakaisa ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Gaano man ka-moderno ang kasalukuyang panahon, may pandemya man o wala, nananatili ang bayanihan bilang isa sa mga kahanga-hangang katangian ng ating bansa. Ito ay isang patunay kung paano gumagaan ang problema o krisis dahil sa pagtutulungan. Sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap ng Filipinas, nananatili tayong matatag at nananatiling may malasakit sa isa’t isa. Sa ganitong panahon lalong masarap ipagmalaki ang pagka-Filipino.
Comments are closed.