Ni AIMEE GRACE ANOC
PAGKAIN ang isa sa hindi dapat na mawala sa hapag ng bawat isa sa atin. Napakaraming klase rin ng pagkain ang kinaiibigan natin. Mula nga naman sa pang meryenda hanggang sa main course.
May mga pagkain din tayong kinahihiligan na mula pa sa ibang bansa.
Dahil sa matagal na nasakop ng mga Espanyol ang ating bansa ay malaki rin ang naging impluwensya nito pagdating sa mga tradisyunal na pagkain nating mga Filipino, lalong-lalo na nga ang pagkaing Bulakenyo.
Kaya naman hindi maitatanggi na maging ang ating mga bayani ay lutong Kastila rin ang ilan sa mga paboritong pagkain tulad ng Pocherong Baka ni Marcelo at Arroz ala Cubana ni Gregorio.
Isinilang noong Agosto 30,1850 sa Kupang Bulakan, Bulakan si Marcelo Hilario del Pilar y Gatmaitan at namatay noong Hulyo 4, 1896.
Kilala siya sa tawag na “Plaridel” o “Dakilang Propagandista”.
Isa siyang ilustrado noong panahon ng mga Espanyol at naging patnugot ng La Solidaridad.
Ang pamangkin naman nitong si Gregorio del Pilar y Sempio ay isinilang noong Nobyembre 14, 1875 sa Bulakan, Bulakan na kilala sa tawag na “Goyong o Boy General”. Namatay naman ito noong Disyembre 2, 1899.
Sa librong Kasaysayan ng food historian na si Milagros Enriquez, nabanggit nito na isa sa paboritong pagkain ni Marcelo ay ang Pochero o “Cocido o Spanish Stem” ng mga Espanyol.
Samantalang Arroz ala Cubana naman ang paborito ni Gregorio del Pilar.
POCHERONG BAKA
Madali lang din namang gawin ang Pocherong baka at sobrang sarap pa nito.
Ang mga sangkap nito ay sabaw ng baka, karne ng baboy, chorizo de bilbao, garbanzos, pechay tagalog, kamote, saging na saba, repolyo, paminta, asin, at asukal na pula.
Paraan ng pagluluto:
Una, banlian ang mga gulay sa isang malaking palayok.
Ipirito ang saging at kamote sa isang kawali at saka isantabi.
Sa hiwalay na kaldero, pakuluan ang karne ng baboy at baka hanggang sa lumambot ang mga ito at isantabi muna.
Sa kawali, igisa ang sangkatutak na kamatis saka isama ang pinalambot na karne ng baka at baboy.
Idagdag din ang chorizo at garbanzos. Timplahan ng mga pampalasa tulad ng paminta, asin, at asukal na pula. Pakuluin ang rekado hanggang sa kusa itong magkasabaw.
Kapag naluto na ang mga karne, saka lang isama ang mga gulay na pechay, repolyo, saging at kamote.
Pagkatapos ng lahat ng ito ay maaari na itong ihain.
ARROZ ALA CUBANA (CUBAN STYLE RICE)
Mas magarbo ang paghahanda nito sa mga Filipino dahil mayroon itong pritong saba at giniling na karne kasama ng kanin at pritong itlog. Maaari itong kainin bilang umagahan.
Ang mga sangkap nito ay giniling na baka at baboy, raisins, green peas, dilaw na sibuyas, bawang, kamatis, tomato paste, toyo, worcestershire sauce, pritong saba, pritong itlog, mainit na puting kanin, asin at paminta bilang pampalasa.
Madali lamang din itong gawin. Una ay igisa ang sibuyas, bawang at kamatis sa isang malaking kawali.
Kapag lumambot na ang kamatis at saka ilagay ang giniling na karne ng baka at baboy, lutuin ng 5-7 minuto. Pagkatapos ay lagyan ng tomato paste, worcestershire sauce, toyo at raisins. Haluin at takpan ang kawali, hayaan ito ng 10-12 minuto. Alisin ang takip at ilagay ang green peas, lutuin ng 5-8 minuto sa katamtamang apoy. Kumuha ng plato at lagyan ito ng kanin, pritong itlog at saba, pagkatapos ay maaari na itong ihain.
“Ang pagkain ay naglalarawan nang pinagdaanan ng bansa.”- Milagros Santiago Enriquez, Food Historian
Kunsabagay, hindi nga lang naman si Marcelo at Gregorio ang mahilig sa mga naturang pagkain. Sa ngayon ay kasama na ang mga nabanggit na pagkain sa madalas ihanda sa bawat tahanan—may okasyon man o wala.
Tunay nga rin naman kasing hindi maitatanggi ang sarap ng Pocherong Baka at ng Arroz Ala Cubana.
Sa mga restaurant din ay matitikman ito. Marami na ring bersiyon ang nagsisipaglabasan na mas lalong nagpasarap na naturang lutuin. (photo credits: yummy.ph, recipenijuan.com)
Comments are closed.