BBL ‘DI LILIKHA NG SUB-STATE

DINEPENSAHAN ni Senador Juan Miguel Zubiri sa Senado ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na hindi maglilikha ng sub-state at saklaw pa rin ng pamahalaang Pilipinas ang magiging Bangsamoro government.

Inaprubahan kahapon ng madaling-araw sa Senado sa ikatlo at final reading ang panukalang BBL.

Sa ilalim ng BBL na nakapaloob sa Senate bill 1717, itatayo ang Autonomous Region of the Bangsamoro kapalit ng bubuwaging Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Dahil dito, lahat ng 21-senador na dumalo sa sesyon, ay bumoto ng pabor dito. Habang wala naman sa sesyon si Senador Manny Pacquiao at nakapiit naman si Senadora Leila de Lima.

Samantala, sinabi naman ni Senador Franklin Drilon, ipinaloob sa BBL ang probisyon na ang Bangsamoro people ay mamamayan ng Republika ng Pilipinas.

Nagkaisa ang mga senador na huwag nang amyendahan ang probisyon ng batas hinggil sa opt-in at opt-out ng mga lalawigan sa Mindanao na gustong magpasailalim sa BBL sa kabila ng matagal na pagtatalo rito.

Dalawamput-isang  senador ang bumoto pabor sa panukala at walang kumontra rito.

Mabilis ang pagpasa ng BBL dahil sinertipikahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte ng urgent kaya hindi na pinadaan pa sa karaniwang three days rule.

Dahil dito, kailangang dumaan ang BBL sa bicameral conference committee at mapirmahan ni Pangulong Duterte.

Itinakda sa buwan ng Hulyo ang bicam para sa BBL sa pagbubukas ng Kongreso at inaasahan din na pipirmahan ni Pangulong Duterte para maging ganap na batas sa araw ng kanyang State of the Nation Address (SONA).   VICKY CERVALES

Comments are closed.