NAPANATILI ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, ang malaking kalamangan sa mga katunggali matapos itong makapagtala ng 56.8 porsiyentong voters’ preference sa pinakahuling Radio Mindanao Network and Asia Pacific Consortium of Researchers and Educators (RMN-APCORE) survey.
Lumabas din sa resulta ng survey na nadagdagan pa ng 1.8 porsiyento ang kanyang score kumpara sa kanyang 55 porsiyentong numero noong Nobyembre 2021.
Malayong pangalawang puwesto naman si Leni Robredo na nakakuha ng 17.1 porsiyento kasabay rin ng pagsadsad ng kanyang net satisfaction rating matapos makakuha lamang ng +1 percent sa pinakahuling SWS survey naman.
Mula naman sa dating 13 porsiyento, bumagsak si Isko Moreno sa 11.5 porsiyento at nananatiling nasa ikatlong puwesto. Nakakuha naman si Sen. Manny Pacquiao ng 4.4 porsiyento mula sa dating apat na porsiyento.
Nasa ika-limang puwesto naman si Sen.. Panfilo Lacson na nakakuha ng tatlong porsiyento, habang sina Ernesto Abella, Leody De Guzman, Norberto Gonzales, at Antonio Parlade ay nananatiling kulelat sa karera na mayroong hindi aabot sa 1 porsiyento bawat isa.
Ilang political analyst na ang nagpahayag kamakailan na ang patuloy na pamamayagpag ni Marcos sa mga serye ng respetadong survey, ay nagpapatunay lamang umano na malaki ang tsansa niya at halos nakasisiguro na sa darating na halalan sa Mayo 2022.
Isinagawa ang survey ng RMN-APCORE nitong Enero 26 hanggang 30 sa 2,400 respondents na nagkakaedad ng 18 pataas.
Ang survey ay mayroong +/-2 margin of error.