QUEZON CITY – SASAMPAHAN ng kaso ang babaeng nagbigay ng maling impormasyon sa pulisya matapos iulat nitong nawawala ang kanyang anak na nasa 17-araw pa lang na sanggol.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Joselito Esquivel Jr. kakasuhan ng kasong perjury ang naturang babae dahil sa pagliligaw nito ng mga impormasyon sa ulat nitong abduction umano sa kanyang 17-araw na sanggol sa Brgy. Sta. Monica, Novaliches noon pang Hunyo 8.
Ayon sa ulat, bandang alas-10:00 ng umaga nitong Hunyo 8, 2019, isang Mariel Roque, na nasa 25-anyos, ang nagtungo sa himpilan ng Novaliches Police Station (PS 4) sa ilalim ni PLTCOL Rossel Cejas tungkol sa umano’y nawawalang 17-araw na sanggol. Pahayag ni Roque na habang naghihintay ito ng jitney sa Novaliches Bayan, nang may kumausap sa kaniyang babae na hindi niya kakilala at na-hypnotized siya nito. Bandang alas-4:30 ng hapon nang magkaron siya ng ulirat at mapansin na nasa Dasmariñas, Cavite na ito at wala na ang hawak nitong sanggol na umano’y tinangay ng babae na kumausap at nang-hypnotized sa kanya.
Noong Hunyo 23, 2019, bandang ala-1:55 ng hapon nang si Roque ay muling magtungo sa tanggapan ng PS 4 at nakikiusap na baguhin ang huli nitong pahayag noong iulat niya ang pagkawala ng isang 17– araw na sanggol, dito na inamin ni Roque na hindi pa ito nanganganak at hindi nito biological child ang naturang sanggol. Inamin din nitong dati na itong nakunan noong una itong nagbuntis ngunit hindi nito inamin sa kanyang asawa. Sinabi din nitong lahat ng kanyang iniulat noong Hunyo 8, 2019 ay pawang gawa-gawa lamang. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.