ARESTADO ang isang babae na listed bilang most wanted sa isinagawang manhunt operation ng mga operatiba ng District Special Operations Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) sa Caloocan City.
Kinilala ni NPD Acting District Director Col. Ponce Rogelio Peñones Jr ang naarestong akusado bilang si Rosalie Parian, 47-anyos ng Brgy. 173 ng nasabing lungsod.
Ayon kay Col. Peñones, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng DSOU sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Erosito Miranda na naispatan ang presensya ng akusado sa NPC Lower, St. Cruz Compound Brgy. 173.
Alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons, kaagad nagsagawa ng manhunt operation ang mga operatiba ng DSOU sa pangunguna ni Capt. Melito Pabon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Parian sa naturang lugar dakong alas-10 ng umaga.
Ani Pabon, si Parian ay inaresto nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Victoriano Bañez Cabanos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 127, Caloocan City para sa paglabag sa Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drugs) of Art. II of R.A. 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). EVELYN GARCIA/ VICK TANES