BEERMEN, HOTSHOTS SA KRUSYAL NA LARO

BEERMNEN-HOTSHOTS

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

4:30 pm. – San Miguel vs Blackwater

7 pm. – Magnolia vs NLEX

MATAPOS ang 10 araw na pahinga para bigyang-daan ang FIBA World Cup Qualifiers ay magbabalik ang mainit na bakbakan sa PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia.

Unang magsasagupa sa alas-4:30 ng hapon ang San Miguel at kulelat na  Blackwater, na susundan ng salpukan ng Magnolia at NLEX sa alas-7 ng gabi.

Napakahalaga ng laro para sa Beermen at Hotshots dahil dito nakasalalay ang kanilang kapalaran sa eight-team quarterfinals.

Kung mananalo ang SMB, may 5-4 kartada, ay pormal itong papasok sa quarterfinals.

Pangungunahan ni import Renaldo Balkman ang opensa ng SMB, katuwang sina June Mar Fajardo, Alex Cabagnot, Arwind Santos, Chris Ross at Filipino-German rookie Christian Starhardinger.

Makikipagtagisan si Balkman kay Blackwater import William Henry Walker.

Ang kampanya ng Magnolia sa quarterfinals ay nakasalalay naman kay Wayne Chism kung saan gaganap ang Amerikanong import ng mahalagang papel sa Hotshots na desperadong ku­nin ang panalo.

Si Chism ang pang-apat na import ng Magnolia matapos nina Vernon Macklin, Curtis Kelly at Justin Jackson.

Kung mananalo ay kailangang talunin ng Magnolia ang SMB sa huling araw ng eliminations sa Hulyo para pormal na umabante sa susunod na round.

Hawak ng Magnolia ang 4-5 record.

Apat na koponan na ang nakapasok sa quarterfinals – Rain or Shine,  Alaska,  Talk ‘N Text at Meralco.

Ang SMB, GlobalPort, Barangay Ginebra, Magnolia at Phoenix ang nag-aagawan sa huling apat na quarter-final seats.                                     CLYDE MARIANO

Comments are closed.