BEERMEN PBA 3X3 THIRD CONFERENCE LEG 5 CHAMPION

TINAPOS ng San Miguel Beermen ang kampanya ng TNT Tropang Giga para sa ikatlong sunod na leg championship sa PBA 3×3 Third Conference sa 21-12 panalo sa Leg 5 Finals kahapon.

Naitala nina Jeff Manday at Ken Bono ang kalahati sa output ng Beermen laban sa history-seeking Tropang Giga upang kunin ang titulo sa harap ng capacity Father’s Day crowd sa Robinsons Place sa Antipolo.

Ang unang leg crown ng Beermen ngayong conference ay nagkakahalaga ng P100,000.

Hindi na lumingon pa ang San Miguel makaraang umiskor si Manday sa isang lay-up upang basagin ang 7-7 pagtatabla sa halfway mark ng finals.

Sinindihan ng basket ni Manday ang 9-2 run kung saan tuluyang lumayo ang Beermen sa 16-9, may 3:31 ang nalalabi.

Tumapos ang San Miguel guard, na galing sa hand injury na kanyang natamo noong nakaraang conference, na may 7 points at game-high 9 rebounds, nagdagdag si Bono ng 6, habang kumubra sina Wendell Comboy at Bambam Gamalinda ng 5 at 3 points, ayon sa pagkakasunod.

Ito ang unang leg title para sa San Miguel, na ginabayan ni Boyzie Zamar, magmula nang pagharian ang Leg 6 sa second conference. Tanging sina Bono at Manday ang bahagi ng naturang championship unit.

Sinibak ng San Miguel ang Barangay Ginebra sa first round ng knockout stage, 21-15, at pagkatapos ay nalusutan ang hard-fighting Cavitex side sa semis, 21-20, upang umabante sa finals.

Samantala, sumandal ang TNT sa 17-point explosion ni Vosotros sa quarterfinals para pataubin ang Purefoods, 21-17, bago dinispatsa ang Terrafirma, 21-15, sa semis upang maisaayos ang showdown sa San Miguel.

Sa pagkatalo ay nabigo ang TNT sa kampanya nitong gumawa ng kasaysayan na maging unang koponan na nagwagi ng tatlong sunod na leg championship. Ang runner-up finish ay nagbigay sa telecommunication franchise ng P50,000 cash prize.

Kinuha ng Cavitex ang third place sa 21-14 panalo kontra Terrafirma para sa P30,000 prize money.

Iskor:
Third place:
Cavitex (21) – Rivero 8, Galanza 8, Saldua 5, Rangel 0.
Terrafirma (14) – Alanes 5, Taladua 5, Cenal 4, Cachuela 0.

Finals:
San Miguel (21) – Manday 7, Bono 6, Comboy 5, Gamalinda 3.
TNT (12) – Vosotros 9, De Leon 3, Acuno 0, Mendoza 0.