Benepisyong PhilHealth para sa diabetes at sa mga Children with Disability

“Ang hirap nang may diabetes, ­gamot pa lang ang dami nang gastos. Ano po bang makukuha kong benepisyo sa ­PhilHealth?”
– Kristoffer
  Malabon City

Kumusta ka, Kristoffer? Sana naman nasa maayos kang kalagayan. Kaugnay ng iyong tanong, may good news kami sa ’yo!

Sagot namin ang Gliclazide at Metformin, depende yan sa rekomendasyon ng duktor mo! Alam mo, Kristoffer, libre mo itong maku­kuha sa ilalim ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama o Konsulta. Ito ang pinalakas na primary care benefit ng PhilHealth!

Kung hindi ka pa rehistrado sa PhilHealth Konsulta, magparehistro ka na para maka­gamit ng benepisyo kasama ang health scree­ning/assessment, at laboratory at diagnostic tests tulad ng fasting blood sugar at marami pang iba – makakakuha ka rin ng mga piling gamot nang libre!

Kailangan mo lang magparehistro sa pinakamalapit na Konsulta Package Provider sa inyong lugar. Makikita mo ang kumpletong listahan ng providers sa www.philhealth.gov.ph.

Kung sa confinement naman, mayroon kang maaasahang benepisyo mula sa amin mula P2,800 hanggang P15,800, depende sa diagnosis o klase ng diabetes. Kasama na rito ang bayad sa room and board, mga gamot, at professional fee ng duktor.

Ayan, sana nakapagbigay kami ng maha­lagang impormasyon sa iyo, Kristoffer. Just ­remember, narito lagi ang PhilHealth para ­suportahan, palakasin, at pagbutihin ang kalusugan ng bawat Filipino. Salamat sa tanong mo!

NATIONAL CHILDREN’S MONTH

Noong Nobyembre, sa bisa ng ­Republic Act. 10661, ipinagdiriwang ang National Children’s Month. Kaya naman napapa­nahong ipaalala sa inyong lahat ang mga PhilHealth benefits para sa mga bata.

Unahin natin ang Z Benefits, noong 2017 at 2018, ipinalabas ng PhilHealth ang mga benepisyo para sa mga batang mayroong ­developmental disabilities, at mobility, visual, at hearing impairment.

Ang Z Benefits para sa Developmental Disabilities ay aabot hanggang P5,726. Sakop nito ang mandatory services tulad ng developmental assessment, functional tests, rehabilitation, at iba pa.

Sa kabilang banda, hanggang P163,540 ang makukuhang benepisyo sa Mobility Impairment; hanggang P31,920 sa Visual Impairment; at hanggang P 67,100 naman para sa Hearing Impairment. Kasama rin sa mga nasabing Z Benefit packages ang initial assessment, ilang assistive devices, at marami pang iba. Tignan ang kumpletong detalye sa https://www.philhealth.gov.ph/benefits/.

BALITANG REHIYON

Ang PhilHealth Regional Office II ay nakilahok sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa ­Ilagan City, Isabela kung saan mahigit 700 na miyembro ang nabigyan ng serbisyo gaya ng Membership Registration, Konsulta Registration at seminar ukol sa UHC at Konsulta

Pwede ring magpadala ng e-mail sa ­[email protected]. I-follow kami sa Facebook (PhilHealthOfficial) at Twitter (@teamphilhealth) para sa updates tungkol sa NHIP. Panoorin ang mga videos namin sa ­YouTube at mag-subscribe sa aming Channel (youtube.com/@teamphilhealth).