NADOMINAHAN ng defending champion Barangay Ginebra ang individual awards nang pagharian nina Scottie Thompson at Justin Brownlee ang kani-kanilang kategorya sa 2021 PBA Governors’ Cup.
Itinanghal si Thompson bilang Best Player of the Conference makaraang maungusan sina Mikey Williams ng TNT, Robert Bolick at Arwind Santos ng NorthPort, at Matthew Wright ng Phoenix Super LPG.
Ang do-it-all guard ay nakakolekta ng 1128 votes para makopo ang kanyang kauna-unahang BPC award magmula nang maglaro sa liga noong 2015.
Ang fifth overall pick sa 2015 PBA Rookie Draft, si Thompson ay naging Most Improved Player ng liga noong 2018, Finals MVP nang magkampeon ang Ginebra sa 2018 PBA Commissioner’s Cup, at five-time PBA champion sa Gin Kings.
Iginawad naman kay Brownlee ang Best Import award makaraang gapiin sina Mike Harris ng Magnolia, Tony Bishop ng Meralco, at Cameron Clark ng NLEX.
Ang resident reinforcement ay nakalikom ng 559 votes mula sa stats group, 493 sa media, 73 sa players, at 150 mula sa PBA para sa kabuuang 1275 votes. Nakakolekta si Harris ng 795 habang sina Bishop at Clark ay may 739 at 443 points, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang ikalawang Best Import plum ni Brownlee makaraang masikwat ang kaparehong award sa 2017-2018 Commissioner’s Cup. CLYDE MARIANO