Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
6:30 p.m. – San Miguel vs TNT
BIHIRANG magtagpo ang TNT KaTropa at ang San Miguel Beer sa title series, subalit marami silang hindi malilimutang sandali sa ilang pagkakataong nagharap sila sa finals.
Sa muli nilang pagtutuos sa best-of-7 PBA Commissioner’s Cup finals na magsisimula ngayong araw sa Smart Araneta Coliseum ay asahan ang umaatikabong bakbakan kung saan kapwa determinado ang Beermen at Texters na makauna sa serye upang maagang makuha ang momentum.
Ito ang ika-5 pagkakataon na magsasalpukan ang dalawang higanteng koponan sa title series, ang una ay sa 2005 Fiesta Conference, kung saan sa pangunguna ni Danny Ildefonso ay nadominahan ng Beermen si Asi Taulava at ang mga katropa nito upang kunin ang serye, 4-1.
Naisaayos ng San Miguel at Talk ‘N Text ang titular showdown makaraang sibakin ang Rain or Shine at Barangay Ginebra, ayon sa pagka-kasunod, sa apat na laro.
Nanatiling dominant force ang Beermen habang ang Texters ay nalagay sa backseat dahil sa mga kabiguang nalasap sa bawat conference sa kabila ng massive build up at overhauling sa koponan, at pagpapalit-palit ng coach.
Dinomina ng SMB, Barangay Ginebra at Magnolia ang nakalipas na tatlong conferences at naging ‘spectators’ lamang ang TNT.
Nakalalamang ang Beermen dahil sa mahabang championship experience kumpara sa Texters na ngayon lang ulit pumasok sa title picture matapos ang mahabang taong pananahimik. Subalit hindi dapat magkumpiyansa si coach Leo Austria at ang kanyang tropa dahil gutom sa korona ang Tropang Texters.
Hindi lang corporate rivalry ang nakataya kundi pati ang magandang credential ni Austria bilang pang-apat na pinakamatagumpay na coach sa PBA, sa likod nina Tim Cone, Virgilio ‘Baby’ Dalupan at Noman Black na pawang grandslam achievers.
Makikipagtagisan ng galing si Austria kay New Zealand consultant Mark Dickel, na siyang nagmamando sa TNT at hindi si head coach Ferdinand Ravena.
Sa import match up ay pantay ang lakas at galing nina Chris McCullough at Kentucky native Terrence Jones na kapwa NBA veterans.
Bukod sa dalawang imports, magpapasiklaban din sa pagbuslo ng bola sina Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Arwind Santos, Chris Ross at dating TNT Terrence Romeo laban kina Jayson Castro, RogerPogoy, Ryan Reyes, Don Trollano at Anthony Semerad, habang makikipagbalyahan sina five-time MVP June Mar Fajardo at Christian Starhardinger kina Troy Rosario, Kelly Williams at Jay Washington sa low post. CLYDE MARIANO
Comments are closed.