HINDI na aangkat ang National Food Authority (NFA) ng 330,000 metrics tons ng bigas para sa buffer stock nito.
Ito ang nilinaw ng Department of Agriculture (DA) matapos umani ng batikos ang ikinakasang importasyon ng NFA dahil lalabagin nito ang Rice Tariffication Law.
Kinumpirma ni Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla na sa halip na umangkat, inabisuhan nila ang NFA na bumili sa local farmers.
Tiniyak din ni Usec. Sombilla sa mga consumer na may sapat na suplay ng bigas hanggang katapusan ng taon.
Bagaman papasok ang lean months sa ikatlong quarter ng taon, inaasahang madaragdagan ang suplay dahil sa pagsisimula ng anihan sa ika-apat na quarter o simula Oktubre.
Tatagal naman, aniya, ng 45 araw ang total supply pagsapit ng katapusan ng taon, kabilang ang inangkat ng pribadong sektor.
Samantala, itinanggi ng opisyal ang mga ulat na tataas pa ng P6 ang kada kilo ng bigas dahil sa katunayan ay nagsimula na aniyang bumaba ang presyo nito sa world market.
DWIZ 882