BIBIYAHENG BUS SAPAT NGAYONG HOLIDAY SEASON – LTFRB

BUS BAN-3

TINIYAK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sapat ang bilang ng mga bus na bibiyahe ngayong holiday season.

Ayon sa LTFRB, nakatakda nilang aprubahan ang special permits ng nasa 968 bus sa ilalim ng ‘Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2019’.

Papayagan ang nasabing mga bus na bumiyahe mula Disyembre 23, 2019 hanggang Enero 3, 2020.

Makikinabang sa 968 public utility buses (PUBs) ang mga pasaherong bumibiyahe patungong North Luzon na may 581 units, South Luzon (189 units), Bicol (127 units), Visayas (48 units), at Mindanao (23 units).

Sinabi ni LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano na sumailalim sa masusing inspeksiyon ang PUBs tulad ng road worthiness ng bawat unit at  kahandaan ng mga bus driver sa pagmamaneho upang matiyak na makararating nang ligtas ang mga pasahero sa kanilang mga destinasyon bago pa man  mabigyan ang mga ito ng special permits.

Samantala, binigyang-diin ni LTFRB Chairman Martin Delgra III na nananatiling handa ang kanilang ahensiya sa pagganap sa kanilang tungkulin para masiguro na magiging maayos at nasa wastong oras ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.

“Bukod sa dagdag na mga pampublikong bus para ngayong Kapaskuhan, maaasahan ng ating mga mananakay ang mga Malasakit Help Desks,  lalo na ang mga kawani ng LTFRB mula sa iba’t ibang parte ng bansa na handang magbigay ng tulong. Sanib-puwersa po ang ating buong ahensya sa lahat ng rehiyon upang siguruhing matiwasay ang land travel ng mga mananakay,” wika ni Delgra.

Nakahanda ring magsagawa ng ocular inspection ang LTFRB sa mga terminal ng bus at mga garahe nito ngayong Disyembre upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga panuntunan ng  ahensiya gaya ng security protocols, comfortable waiting areas at malinis na palikuran.   BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.