ISANG makulay na tradisyon ang muling bubuhayin sa Bicol Region sa pamamagitan ng Exciting Bicol Pastores 2024 na gaganapin sa Albay Astrodome, Old Albay District nitong Disyembre 12, ganap na alas 4:00 ng hapon.
Inanunsiyo ng Department of Tourism na ang programa ay magsisimula sa isang street parade mula sa Albay Park patungo sa Albay Astrodome kung saan magaganap ang pangunahing aktibidad.
Itatampok ang mga natatanging Bicolano-style caroling performances mula sa sampung grupo na kumakatawan sa iba’t-ibang bayan at lungsod sa rehiyon.
Kabilang sa mga magpapakitang-gilas ang Tobog Oas Pastores; Banwang Legazpeños Performing Arts; Tabaqueña Pastores; Paglaad Dance Troupe ng Pilar, Sorsogon; Camaligan Dance Company, Camaligan Pastores ng CamSur; Oas Pastores; Pastores De Divino Rostro; Sarong Bangui Dance Troupe; Empire Pastores at Tanghal Kulturang CamNorteño mula Camarines Norte.
Ang mga grupo ay maglalaban-laban para sa mga gantimpalang ₱150,000 para sa kampeon, ₱100,000 para sa ikalawang puwesto at ₱75,000 para sa ikatlong puwesto.
Bukod dito, may mga espesyal na parangal din para sa Best in Street Dancing, Best in Costume at Best in Musicality na may cash prize na ₱10,000 bawat isa.
RUBEN FUENTES