SINIGURO ng UniTeam na hindi maiiwan ang Bicol region sa lahat ng magiging proyekto ng pamahalaan sakaling ito ang maluklok sa puwesto sa darating na eleksiyon.
Ito ang iginiit ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kasabay ng pahayag na bahagi ng kanilang kampanya ang pagkaisahin ang bansa kaya dapat lamang na masiguro na walang maiiwan sa mga programa ng pamahalaan.
“Of course not, hindi naman ganu’n ang aming (paraan) ng pulitika eh, the elections and politics have their place pero pagka-dumating tayo sa serbisyo publiko, eh siguro ‘wag na natin tinitingnan kung saan nanggaling o kung tinulungan ka sa last elections,” paliwanag ni Marcos.
“Basta’t iniisip ko Pilipino iyan na nangangailangan ng tulong, tulungan mo ganun kasimple lang ‘yan,” dagdag pa ni Marcos nang tanungin siya sa isang panayam kung maiitsa-puwera ba ang rehiyon ng Bicol na kilalang balwarte ni Leni Robredo, sakaling manalo sila.
“That’s the whole point of the UniTeam kaya unity nga eh, kahit hindi tayo nagkakasundo sa lahat (ng bagay), basta tulungan natin ang Pilipino, you do it your way kung anong inilsip mo, I’ll do it my way basta’t nagtutulungan tayo,” ani Marcos.
Nagkakaisang pamumuno ang itinutulak ng UniTeam at ito rin umano ang itutuloy ng tambalan kung sakaling manalo sa darating na halalan sa Mayo 2022.
“Pag dating ng halalan eh magbabatuhan naman tayo ng masasakit na salita pero after that tapos na, balikan natin ang serbisyo kaya naman tayo hinahalal ng tao hindi naman para makipaglaban at mamulitika,” dagdag niya.
“Tayo ay ibinoto para tulungan ang tao kaya iyan ang gagawin natin, iyan ang mandato natin,” pagpapatuloy niya.
Ayon pa kay Bongbong, balak niyang tularan ang ginawa ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., na binuhusan ng napakaraming proyekto at impraestruktura ang rehiyon para maging progresibo.
Ilan sa mga ito ang Maharlika Highway na naging dahilan para mabigyan ng iba’t ibang proyekto pang impraestruktura, agrikultura, edukasyon, ekonomiya at iba pa ang rehiyon.
Ayon sa record, aabot sa 2,130 school buildings, 1,506 artesian wells, 120 waterworks system, 244 barangay health stations, 112 rural health units at 36,053 linear meters para sa flood control projects ang ilan lamang sa maraming proyekto noon ni Marcos Sr. sa nasabing rehiyon.
Sa pamamagitan din ng Masagana 99, Masaganang Maisan, Bakahang Barangay, Gatasan sa Barangay at Biyayang Dagat Program ay tumaas ang kita ng mga magsasaka roon.
Mahigit 40 taon na ring pinapakinabangan at nagbibigay ng koryente sa Bicol region ang Tiwi geothermal power plant na ipinatayo ni Marcos Sr. sa Albay noong 1979.