SISIMULAN na sa Nobyembre 7 ang bidding para sa third telecommunications player ng bansa, ayon sa National Telecommunications Commission (NTC).
Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na tiyakin na ang pagpili sa third telco ay maisasagawa bago matapos ang taon.
Sisimulan ng NTC ang pagtanggap ng bids sa Nobyembre 5 at 6, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, at sa Nobyembre 7, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga.
“Opening of bids will immediately follow after the 10:00 a.m. deadline on November 7th,” ayon sa NTC.
Ipakikita ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagbubukas ng bids sa Facebook page nito.
Hindi bababa sa 10 kompanya ang inaasahang lalahok sa bidding, kabilang ang China Telecom at Norway’s Telenor.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang selection process ay kinakailangang maging ‘fair, reasonable and comprehensive’.
“The only condition is that the chosen entity must provide the best possible services at reasonably accessible prices,” aniya.
Sinabi naman ni DICT Acting Secretary Eliseo Rio Jr. na ang mananalong bidder sa naturang petsa ay ‘provisional’ lamang dahil dadaan pa ito sa post qualification process, kung saan beberipikahin ng DICT at NTC ang kanilang mga dokumento.
Ani Rio, ang selection process ay isasagawa sa pamamagitan ng computer program at walang sinuman ang makaiimpluwensiya rito.
“It is the participants who will input their commitments during the opening of bids then their scores based on their commitments will be automatically computed… Walang human intervention sa computation,” aniya.
Comments are closed.