‘BIG MEN’ NANGUNGUNA SA ROOKIE DRAFT LIST NI GUIAO

PBA ROOKIE DRAFT-2

ILANG buwan pa bago ang PBA Annual Draft at wala pang nagpapahayag ng intensiyon na mag-aplay, ngunit tinukoy na ni Rain or Shine coach Yeng Guiao ang uri ng bagong players na kanyang kukunin.

“We’re looking at size,” sabi ni Guiao, na ang koponan ay tangan ang unang dalawang first round picks sa Nos. 3 at 4.

“Siguro, ‘yung the best 1 available with the best size. Iyon ang priority namin sa (first round) picks namin,” dagdag ni Guiao.

Gayunman, may ilang maaaring humadlang sa plano ng Rain or Shine.

Hawak ng Terrafirma ang top overall pick habang ang Blackwater, tulad ng Dyip at Elasto Painters, ay may karapatan sa No. 2 overall choice.

Gayundin ay hindi pa batid kung sino-sino ang lalahok sa Sept. 17 draft bagama’t ilang mga pangalan na ang lumutang tulad nina Justine Baltazar, Brandon Bates, Keith Datu, Luis Villegas at Kemark Carino.

Binanggit din sina Christian Bunag, Kevin Villafranca, Darwish Bederi, JBoy Gob at Henry Galinato bagama’t malalaman pa lamang kung nag-aplay sila simula July 17 kapag nagsimula nang tumanggap ng draft applications ang liga.

Kumpiyansa si Guiao na makakakuha siya ng kahit isa sa kanyang prospects at mahasa ito bago magsimula ang regular season sa mid-October.

“If we can blend those talents with what we already have malamang mabibigyan namin ng magandang laban ‘yung mga established teams,” sabi ni Guiao.

-CLYDE MARIANO