BIG TIME DRUG PUSHER NADALE SA ENGKUWENTRO

drug pusher

LAGUNA – NASAWI matapos umanong manlaban sa pinagsanib na kagawad ng Provincial Intelligence Branch (PIB) Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Lumban Drug Enforcement Unit (DEU) ang iti­nuturong big time drug pusher makaraang magkasa ang mga ito ng buy bust operation na nauwi sa isang engkuwentro sa bahagi ng National Hi-Way, Brgy. Bagong Silang, bayan ng Lumban, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PCapt. Jolimer Seloterio, hepe ng pulisya ang napatay na suspek na si Reynante Coralde alyas “Nante”, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. San Juan, Kalayaan, Laguna.

Ayon sa isinumiteng ulat ni Seloterio kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, dakong alas-10:40 ng gabi nang magkasa ng drugs operation ang nabanggit na operatiba sa lugar habang isa sa mga ito ang nagpanggap na  buyer.

Lumilitaw na nagawa umanong manlaban ng suspek matapos makatunog na pulis ang kanyang katransaksiyon gamit ang kalibre 45 baril na nauwi sa pagpapalitan ng putok.

Mabilis na isinugod ng pulisya sa pagamutan ang suspek makaraan ang insidente kung saan doon ito binawian ng buhay bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa kanyang katawan.

Sa talaan, napag-alaman na dati na umanong napiit sa Bureau of Jail Management and Peno­logy (BJMP) sa bayan ng Sta. Cruz ang suspek sa loob ng mahigit na limang taon kaugnay ng pagtutulak nito ng droga sa ikaapat na distrito ng Laguna kung saan nagawa nitong makalaya kama­kailan.

Nakumpiska sa suspek ang nasa 10 bulto ng heatsealed transparent plastic sachet ng shabu na umaabot sa mahigit na P250,000, at buy bust mo­ney kabilang ang ginamit nitong kalibre 45 baril. DICK GARAY

Comments are closed.