(Biggest single day increase, 18 gumaling) 82 BAGONG KASO NG COVID-19 SA PHL

Rosario Vergeire

MAYNILA-PATULOY sa pagtaas ang bilang ng mga taong dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, gayundin ang mga namatay at gumaling na mula sa karamdaman.

Sa pulong balitaan, kinumpirma ni Department of Health (DOH) Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na nadagdagan ng 82 ang nahawahan ng sakit kayam sumampa sa 462 ang positibo sa COVID-19 .

Ang mga ito ay binigyan ng patient ID number na PH381-PH462.

Samantala, maging ang bilang ng mga binawian ng buhay dahil sa karamdaman ay nadagdagan rin ng walo at umabot na ngayon sa 33, mula sa dating 25 lamang kamakalawa.

Kabilang sa mga nalagutan ng hininga ay pawang mga lalaking Filipino na walang travel history at pare-parehong may mga pre-existing health condition bago dapuan ng virus, gaya ng diabetes, hypertension at iba pa.

Ito ay sina PH281, nq 57 year old mula sa Mandaluyong City; PH266, na 76-year old, mula sa Quezon City; PH279, na 73-anyos, mula sa San Juan City; PH304, na 89 year old mula sa Bulacan; PH328, na 74-year old mula sa Quezon City; PH333, na 65-year old mula sa Quezon City; PH367, na 78- year old mula sa Parañaque City at PH349, na 56-year old na mula sa Parañaque City.

Samantala, ang magandang balita naman, maging ang bilang ng mga nakarekober sa sakit ay tumaas rin at umabot na sa 18.

Ang pinakahuling naitalang gumaling sa COVID-19 ay si PH73 na isang 54 anyos na Pinoy mula sa Maynila, na isa umanong hypertensive.

May travel history sya sa Thailand at nakitaan ng sintomas ng sakit noong Marso 6.  March 13 nang ma-confine siya sa pagamutan at March 21 nang ma-discharged sa pagamutan matapos na magnegatibo na sa karamdaman.

Kaugnay nito, patuloy namang nagpapaalala ang DOH sa publiko na maging maingat upang hindi mahawa ng virus.

Payo ng DOH, mabisang paraan ng pag-iwas sa virus ay ang pananatili lamang sa kani-kanilang tahanan at tiyaking malakas at malinis ang pangangatawan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.