PLANO ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglagay ng bike lanes sa EDSA kasunod ng pagiging alternative mode of transportation ng pagbibisikleta sa ilalim ng ‘new normal’ sa post-COVID-19 era.
Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, bukod sa EDSA ay plano rin nilang maglagay ng bike lanes sa iba pang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
“Mayroon nang bike lanes. Pero sa EDSA, nasa planning stage. Nakikipag-coordinate kami sa DOTr (Department of Transportation). Ang plano nila, ilalagay nila ‘yung mga dedicated bus lanes sa center line ng EDSA. At magkakaroon din ng isang lane na naka-allocate para sa mga bisikleta,” ani Villar.
“Mayroon ding bike lane na walang harang pero may guhit sa kalsada. Depende, kung mayroon talagang makukuhang space para sa bike lane, kukuha kami. Pero kung hindi, marami pa kaming options. Puwedeng lagyan ng mga markings para at least ma-identify ‘yung bike lane sa isang kalsada,” dagdag pa niya.
Aniya, sa mga pag-aaral ng DOTr ay lumabas na tataas ang kapasidad ng EDSA na i-accommodate ang mga sasakyan kapag may inilaang bus at bike lanes.
Sa kasalukuyan ay pina-finalize, aniya, nila ang plano sa kung maglalagay ng barriers o fences na maghihiwalay sa bike lanes at bus lanes.
Bukod sa bike lanes, plano rin ng DPWH na maglagay ng elevated walkways sa kahabaan ng EDSA.
Comments are closed.