BIKE VS TRAK: 2 MAGSASAKA TUMBA

Motor vs truck

NORTH COTABATO – BUMULAGTA ang dalawang magsasaka makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kasalubong na trak sa Sitio Galpra, Barangay Lika sa bayan ng Mlang, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng pulisya, nakilala ang mga biktimang sina Lito Salle, 39; at  Alfredo Sangcap na kapwa residente ng Barangay New Pandan, Matalam Cotabato.

Lumilitaw na pauwi na ang magkaibigang magkaangkas sa motorsiklo nang mag-overtake sa sinusundang sasakyan.

Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nasalpok nang kasalubong na trak na minamaneho ni Marlon Suarez, 34, ng Bukal, Quezon.

Naisugod pa sa Mlang District Hospital ang mga biktima subalit idineklarang patay ng mga doktor.

Kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng Mlang PNP ang drayber ng truck na kinontrata ng pribadong kompanya para magsagawa ng drillings sa linya ng internet at telepono. MHAR BASCO