BIKTIMA NG PAPUTOK, 40 NA

UMAKYAT  na sa 40 ang bilang  ng mga biktima ng paputok sa bansa, ayon sa  Department of Health (DOH).

Sa inilabas na Fireworks-Related Injuries (FWRI) Report #7 ng DOH, nabatid na mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 27 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 28, 2018 ay nakapagtala pa sila ng walong bagong biktima ng paputok.

Karagdagan ito sa 32 kaso na unang naitala mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 27.

Ang bagong FWRI cases ay mula sa Regions IV-A na may dalawang kaso, habang tig-iisang kaso naman ang naitala sa Regions II, III, VII, VIII, at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Kahit naman umabot na sa 40 ang naitatalang FWRI cases, na nasa edad 2 hanggang 69 taong gulang, ipinagmalaki naman ng DOH na mas mababa rin ang naturang bilang ng 38 kaso o 49%, kumpara sa dating 78 kaso na naitala nila sa kahalintulad na reporting period noong 2017.

Ang 36 sa mga bagong kaso ay pawang lalaki, at 38 naman ang nasugatan sa paputok, habang dalawa ang nakalunok ng paputok.

Nasugatan ang mga biktima dahil sa paggamit ng boga (11), kwitis (5), triangle (3), piccolo (3), baby rocket (2), luces (2), gayundin sa camara, pili cracker, 5-star, flash bomb at iba pa.

Ang 23 sa mga biktima ay nagtamo ng sugat o lapnos, apat ang kinailangang putukan ng daliri, at 13 naman ang nasugatan sa mata.

Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko na umiwas na sa paggamit ng paputok upang makaiwas sa disgrasya, pang-habambuhay na kapansanan o di kaya ay kamatayan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.