INIULAT ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa 319 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok sa pagsalu-bong ng taong 2019.
Sa kabila nito, ipinagmalaki ng DOH na wala pa ring biktima ng ligaw na bala at wala ring nasawi sa paputok.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH, nabatid na nakapagtala pa sila ng 12 bagong fireworks-related injuries mula 6:00 ng umaga ng Enero 4 hanggang 5:59 ng umaga ng Enero 5, 2019.
Ang mga naturang kaso ay mula sa Region VII na may tatlong kaso, tig-dalawa sa National Capital Region (NCR), Regions VI at X, at tig-isa sa Regions I, IV-A at V.
Mas mababa pa rin naman ang kabuuang bilang ng 194 kaso o 38% kumpara noong taong 2018, at 531 kaso o 62% sa 5-year average period.
Ang mga biktima ay mula dalawa hanggang 76- taong gulang at karamihan ay mga lalaki na nasa 257.
Ang 246 ay nagtamo ng sugat at lapnos sa katawan, 11 ang kinailangang putulan ng bahagi ng katawan at dalawa ang naka-lunok ng paputok.
Pinakamarami pa ring nabiktima ay kwitis (68), luces (36), piccolo (21), boga (19), 5-star (16) at triangle (16). ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.