Bilang highest-ranked African team SOUTH SUDAN PASOK SA PARIS OLYMPICS

NALUSUTAN ng New Zealand ang Egypt, 88-86, sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa 2023 FIBA Basketball World Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nagbuhos si Finn Delany ng 27 points, 4 rebounds, at 2 assists, habang nagdagdag si Izayah Le’Afa ng 27 markers, 6 boards, at 3 assists sa panalo ng Tall Blacks.

Ang panalo ng Tall Blacks, kasama ang tagumpay ng South Sudan laban sa Angola sa Araneta Coliseum, ay tumapos sa pag-asa ng Egypt na awtomatikong mag-qualify sa 2024 Paris Olympics.

Sa halip ay nakopo ni Carlik Jones at ng South Sudan ang kanilang ticket sa Summer Games sa susunod na taon bilang highest-ranked African team sa torneo.

Tabla sa 83-83, wala nang dalawang minuto ang nalalabi, kumana si Jordan Ngatai ng tres upang pigilan ang Egypt run na bumura sa 10-point lead ng New Zealand sa loob lamang ng wala pang limang minutong aksiyon.

Sumagot si Amr El Gendy ng sarili niyang triple upang muling itabla ang talaan, subalit isinalpak ni Reuben Te Rangi ang dalawang free throws upang mabawi ang dalawang puntos na kalamangan, sapat para selyuhan ang panalo.

Nanguna sina Ehab Amin at El Gendy para sa Egypt na may tig-19 points.

Umangat ang New Zealand sa 2-3 sa Group N, habang nahulog ang Egypt sa parehong kartada sa parehong grupo.