BILANG NG BIKTIMA NG PAPUTOK PUMALO SA 307

paputok

PUMALO na sa 307 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok sa bansa sa pagsalubong ng Taong 2019.

Ito’y matapos na makapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 19-bagong kaso pa ng fireworks-related (FWRI) cases mula 6:00 ng umaga ng Enero 3 hanggang 5:59 ng umaga ng Enero 4.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH, nabatid na ang 19-bagong kaso, na pawang nasugatan dahil sa paputok, ay naitala sa Region 1 (8-kaso); Region VI (3); Region IV-A (3); National Capital Region (2); at tig-isa naman sa Regions III, XI at XII.

Sinabi naman ng DOH na kahit naman nasa 307 na ang bilang ng mga naputukan simula noong Disyembre 21, 2018, ay nananatili pa rin itong mas mababa ng 201 kaso o 40% kumpara sa mga naitala sa kahalintulad na reporting period noong 2018 at 538 kaso o 64% na mas mababa sa 5-year average period.

Lumilitaw na karamihan pa rin sa mga biktima ay mga lalaki na nasa 248 kaso, at nagkakaedad ng mula dalawa hanggang 76-taong gulang.

Ang 236 sa kanila ay nasugatan at nalapnos lamang, 10 ang kinaila­ngang putulan ng bahagi ng katawan, 79 ang nagtamo ng sugat sa mata at dalawa ang nakalunok ng paputok.

Pinakamaraming nabiktima ang kwitis (68-kaso), Luces (35), Piccolo (20), Boga (19), at 5-star (16).

Tiniyak naman ng DOH na pawang nasa maayos nang lagay ang mga biktima matapos na mapagkalooban ng ka­rampatang lunas ang mga ito. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.