UMAKYAT na sa 32 ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok sa bansa, may apat na araw pa bago salubungin ng mga Pinoy ang Taong 2019.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 27, ay nakapagtala pa sila ng panibagong walong kaso ng mga naputukan.
Kabilang dito ang apat na kaso mula sa Region VI, dalawang kaso mula sa Region II (2 kaso), at tig-isang kaso naman sa Region III at National Capital Region.
Anim sa walong bagong kaso ay naputukan lamang nitong Disyembre 26 at 27 habang ang dalawa ay late na nang mai-report sa kanilang tanggapan.
Lahat naman umano ng bagong kaso ay nasugatan dahil sa pagpapaputok ngunit isa sa kanila ang nadurog ang daliri kaya’t kinailangan itong putulin.
Sa kabila naman ng patuloy na pagdami ng kaso ng mga napuputukan, iniulat ng DOH, na ang 32 kabuuang bilang naman ng mga FWRI ay mas mababa pa rin ng 32 kaso o 50% kumpara sa kahalintulad na reporting period noong 2017.
Karamihan o 28 pa rin sa mga biktima ay mga lalaki, at nagkaka-edad ng mula dalawa hanggang 50-taong gulang.
Ang 30 sa mga biktima ay nasugatan dahil sa paputok, apat ang kinailangang putulan ng daliri, at siyam ang nagtamo ng sugat sa mata, habang dalawa ang nakalunok ng paputok.
Nangunguna namang dahilan ng pagkasugat ng mga biktima ay ang paggamit ng boga na bumiktima ng pito katao, habang nakapagtala naman ng tig-tatlong biktima ang kwitis, piccolo at triangle.
Ilan pa sa mga ginamit na paputok ay camara, pili cracker, flash bomb, 5-star, plapla, at iba pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.