(Bilang susunod na PNP chief) 7 SENIOR OFFICERS PINAGPIPILIAN

PITONG senior officers ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagpilian para maging ika-30 pinuno ng nasabing organisasyon.

Ang muling pagpili para maging ama ng PNP ay dahil sa nakatakdang pagreretiro ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. sa darating na Disyembre 3.

May mga pangalang lumulutang pero paglilinaw ng PNP, tanging ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang may karapatang pumili ng susunod na PNP chief.

Batay sa seniority, awtomatikong maikokonsidera ang command group na kinabibilangan nina Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia, Deputy Chief for Operations LtGen. Michael John Dubria, at Chief for Directorial Staff MGen. Emmanuel Peralta.

Si Sermonia na miyembro ng PMA Makatao Class of 1989 ay magreretiro na rin pagsapit ng Enero.
Mga mistah naman ni Acorda sa PMA Sambisig Class of 1991 sina Dubria na magreretiro sa Disyembre 2024 at Peralta na magreretiro sa Agosto 2024.

Lumutang din ang pangalan ng isa pang mistah ni Acorda na si BGen. Rommel Francisco Marbil, ang PNP Comptrollership na magreretiro sa Pebrero 2025.

Umuugong din ang pangalan ng mga miyembro ng PMA Tanglaw-Diwa Class of 1992 kasama na rito si NCRPO Director BGen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Matunog din ang pangalan ni CIDG Director MGen. Romeo Caramat Jr. na magreretiro sa Oktubre 2024 habang contender din si DICTM Director MGen. Bernard Banac na magreretiro sa Setyembre 2026.

Si Banac ay naging hepe ng Public Information Office ng PNP at nagsilbi ring director ng Police Regional Office 8 at Directorate for Plans.
EUNICE CELARIO