VALENZUELA CITY – REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang construction worker matapos ireklamo ng pangmomolestiya ng isang lady guard na tumanggi sa kanyang pag-ibig sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang inaresto na si alyas Dan Bansot ng Barangay Dili, Bauang, La Union na nahaharap sa kasong acts of lasciviousness.
Sa ulat ng Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) kay city police chief P/Col. Carlito Gaces, nasa loob ng guard-house ng Villa Esperanza Townhouse sa Brgy. Malinta dakong alas-10:30 ng gabi ang biktima na itinago sa pangalang “Ligaya”, 47, nang puntahan siya ng suspek na nagtatrabaho sa isang ginagawang bahay sa naturang lugar.
Dumiga muli ang construction worker subalit binasted ito ng lady guard.
Sinunggaban ni Dan Bansot ang pinagnanasaang biktima at habang pigil ang mga kamay ng lady guard ay niyapos ito ng mahigpit ng suspek saka pinaghahalikan ang likod at dibdib.
Nagpupumiglas naman ang biktima at nang makawala ay mabilis itong nagtungo sa tanggapan ng homeowners association upang magsumbong.
Humingi ng tulong ang pangulo ng asosasyon sa mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 4 na nagresulta sa pagkakadakip kay Cruz. VICK TANES
Comments are closed.