BINATA BINARIL DAHIL SA FACEMASK

PAMPANGA-PATAY ang isang 20- anyos na binata matapos mauwi sa pamamaril ang paninita ng pulis sa hindi pagsuot ng face mask sa Bacolor sa lalawigang ito.

Sa isinumiteng ulat ng Bacolor Municipal Police Station sa PNP Police Region Office 3, kinilala ang biktima na si Abelardo Vasquez na nagtamo ng 3 tama ng bala sa katawan.

Naisampa na ang kasong homicide laban kay Cpl. Alvin Pastorin, 33-anyos, intel officer ng Pampanga Police Provincial Office. na nakakulong sa Bacolor Police Station habang ipinag-utos na magkaroon ng sariling pagsisiyaat ang PNP-PRO3 para sa kasong kriminal at administratibo.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinita ni Pastorin si Vasquez na kasama ng kanyang mga kaibigan sa isang tindahan dahil sa hindi pagsusuot ng facemask.

Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo at humingi ng saklolo ang biktima sa mga kamag-anak na nag-iinuman sa lugar.

Base sa salaysay ng mga testigo, kinukuyog ng grupo ni Vasquez ang pulis kaya’t bumunot ito ng baril at pinaputukan ang biktima.

Salungat naman ito sa pahayag ng pinsan ng biktima, nagkakasiyahan sila sa tapat ng bahay ng tiyahin noong Sabado nang pagsabihan sila ng pulis.

Kinausap umano ng tito nila ang pulis upang makipag-ayos matapos magkagulo sa lugar.

Subalit binaril umano ni Pastorin si Vasquez na agad na isinugod sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Ayon naman sa Pampanga Police Provincial Office, matapos ang paninita ng pulisa ay pinagbabato umano ito ng mga kalalakihan, hinabol at kinuyog hanggang sa bumagsak sa lupa. Kaya napilitan umano magpaputok ng baril ang pulis para depensahan ang sarili.

Nagsampa rin ng kasong attempted homicide, direct assault at malicious mischief ang pulis laban sa grupo ng biktima. VERLIN RUIZ