BINATA PINAGTULUNGANG GULPIHIN AT SAKSAKIN

saksak

CALOOCAN CITY – NASA malubhang kalagayan ang isang binata matapos pagtulungan bugbugin at saksakin ng tatlong lalaki sa lungsod na ito.

Ang biktima na patuloy na nilalapatan ng lunas sa MCU Hospital sanhi ng tinamong bugbog at mga saksak sa katawan ay nakilalang si Mark Gervacio, 30, ng 197 Villamaria St., Brgy. 2.

Nahaharap naman sa kaukulang kaso ang mga suspek na sina Jayricho Laudato, 21, helper, Rowell Valiente, 22, at Airomm Sanmuete, 20, dining staff, pawang nakatira sa Bisig ng Kabataan, Sangangdaan.

Sa nakarating na ulat kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, alas-4:30 ng madaling araw, bibili ng lugaw ang biktima sa Bisig ng Kabataan St., Brgy. 1, nang lapitan ito ng mga suspek at pagtulungang bugbugin.

Isa sa mga suspek ang naglabas ng patalim at pinagsasaksak sa katawan ang biktima bago mabilis na nagsitakas sa hindi matukoy na direksiyon.

Isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan habang nasakote naman ang mga suspek sa follow-up operation ng mga pulis, kasama ang mga barangay tanod ng ­Brgy. 1. EVELYN GARCIA