NASA P25.2-billion na utang ang binayaran ng pamahalaan noong nakaraang Oktubre, mas mababa kumpara noong nakaraang taon, sa pagbaba kapwa ng amortization at interest payments, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Sa datos ng BTr, ang halaga ng binayarang utang sa pagsisimula ng fourth quarter ay mas mababa ng 14 percent sa P29.2 bil-lion noong Oktubre ng nakaraang taon.
Noong nakaraang Oktubre, ang interest payments ay nasa P20.7 billion, mas mababa sa P24 billion sa kaparehong panahon noong 2018.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ang mas mababang interest payments sa nasabing buwan ay dahil sa ‘high base effect mula October 2018 payments and premiums mula sa bond re-issuances.’
Sa datos pa ng BTr, nagbayad ang gobyerno noong Oktubre ng P13.7 billion sa interest para sa government securities na inisyu sa domestic market, habang P7 billion ang sa foreign debt.
Bumaba rin ang primary amortization sa P4.5 billion mula P5.2 billion sa kahalintulad na panahon noong 2018.
Ang amortization payments noong nakaraang Oktubre ay kinabibilangan ng P564 million para sa domestic borrowings bukod pa sa P3.9 billion sa external obligations.
Sa unang 10 buwan, ang total debt payments ay umabot sa P583.4 billion – P314.5 billion sa interest at P268.9 billion sa amortization. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.