(Binuhay ng transport groups) HIRIT NA P14 MINIMUM JEEPNEY FARE

ITUTULOY ng mga transport organization ang kanilang petisyon na itaas ang minimum jeepney fare sa P14 sa Metro Manila, Central Luzon, at Southern Tgalog, ayon sa jeepney operators and drivers group Pasang Masda.

“Naka-schedule kami ng hearing ng May at ‘yan ay aming tatalakayin pa rin,” pahayag ni  Pasang Masda president Obet Martin sa CNN Philippines.

Ang minimum na pasahe sa jeepney sa kasalukuyan ay nasa P9 at karagdagang P1.50 para sa mga susunod na kilometro.

Nauna nang isinantabi ng mga transport group ang petisyon makaraang mangako ang gobyerno na dodoblehin ang fuel subsidy at palalawakin ang  service contracting program.a

Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makatatanggap na ngayon ang mga jeepney driver ng P13,000 na fuel subsidy mula P6,500.

Ayon kay Martin, nauunawaan nila ang pagsuspinde sa pamamahagi ng subsidiya dahil sa election spending ban subalit may mga lungsod na kailangang magtaas ng pamasahe dahil sa pabago-bagong presyo ng petrolyo.

“Sapagkat ang inaasahan namin kasi, akala natin magbabago na ang presyo ng petroleum products in a month’s time. Subalit nakita natin ‘yung paggalaw sa pandaigdigang merkado ay talagang hindi – very volatile ang presyo kaya ‘yung aming pagdinig ay ipinatuloy po namin,” dagdag pa niya.