BATID ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III ang senaryo ng pagbagsak ng tax collections ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) bunga ng matinding epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya ng bansa.
Gayunman, may mga isinusulong silang tax improvement para makuha ng dalawang nabanggit na collection agencies ang kani-kanilang tax collection goal ngayong 2020 fiscal year.
Nasapol ng COVID-19 crisis ang mga buwan ng Pebrero, Marso hanggang Abril kung saan hindi nakakolekta nang husto ang BIR at apektado rin ang BOC sa perwisyong dulot nito.
Sa kabila nito ay kumpiyansa pa rin si Secretary Sonny na kaya pa rin nina Commissioners Caesar ‘Billy’ Dulay (BIR) at Rey Guerrero (BOC) na makolekta ang tax collection goal na P2.617 trillion at P746 bilyon, ayon sa pagkakasunod, sa paghugot ng lakas kay Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte.
Ang National Economic Development Authority (NEDA) ay may isinagawang consumer and business survey sa ngalan ng Inter-Agency Task Force (IATF)-Tachnical Working Group (TWG) tungkol sa anticipatory and forward planning.
Ang layunin nito ay para mabatid ang epekto ng ipinatutupad na Enhance Community Quarantine (ECQ) dulot ng COVID-19 para makapagbigay ng mga naaangkop na panukala at rekomendasyon na kinakailangan upang muling pasiglahin ang lumalamyang ekonomiya ng bansa.
Masusing pinag-aaralan ang status ng micro, small and medium sized businesses para mabatid ang malaking pinsalang idinulot sa negosyo ng pandemic at mabilis na makaahon mula sa krisis.
Gayundin ay tumutugon sila para makabangon mula sa pinsalang tinamo ng sektor ng agrikultura sa COVID-19 pandemic. Ang mga dalubhasang tagapayo ni Presidente Duterte sa lahat ng apektadong sektor sa lipunan ay kumikilos para bumuo ng pinakamabisang solusyon at inaasahan na susunod ang lahat sa ipinatutupad na social distancing at iba pang mga kautusan matapos palawigin ang Luzon-wide lockdown hanggang Abril 30 mula Abril 12 para na rin sa kaligtasan ng publiko.
Batay sa medium-term program ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC), itinaas ang tax collections ng hanggang 12.3 percent mula sa P3.149 trillion ngayong taon. Bagama’t may kataasan at natapat pa sa COVID-19 crisis, umaasa si Commissioner Dulay na ang lahat ng ito ay kanilang malalampasan.
Ipinagpapatuloy pa rin ni Commissioner Dulay at ng kanyang Deputy Commissioner na si Arnel Guballa ang komunikasyon kina Metro Manila BIR Regional Directors Albin Galanza at Romulo Aguila, ng Quezon City; Jethro Sabariaga (Manila City), Grace Javier (Caloocan City), Glen Geraldino at Maridur Rosario, Makati City para higit na pag-ibayuhin ang mga tax strategy sa paglikom ng buwis.
Kumpiyansa rin si BOC Commissioner Guerrero na makokolekta o posibleng mahigitan pa ang iniatang sa kanilang tax collection goal sa kabila ng pamiminsala ng COVID-19 sa pamamagitan ng patuloy na coordination at tax strategy na isinasagawa nito sa kanyang mga tauhan.
Tulad ng mga ordinaryong mamamayan, ang business sector ay dumadalangin din na magwakas na ang pamiminsala ng COVID-19 sa buong mundo, lalo na ang ating bansa upang mabilis tayong makaahon sa kahirapan at matugunan ng BIR at BOC ang mga pangangailangan ng Duterte administration sa pinsalang dulot ng COVID-19 pandemic.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344/09266481092 o mag-email sa [email protected].