SA pamamagitan ng makabagong Command Center na itinayo ng Bureau of Internal Revenue (BIR), na kauna-unahan sa kasaysayan ng Digitalization and Computerization Program ng bansa, ay ganap na na-modernize ang sistema ng tax collections.
Ang nasabing Command Center ay matatagpuan sa Regional Office ng BIR sa South Makati, sa ilalim ng pamumuno ni Revenue Regional Director Edgar Tolentino, na kamakailan ay pinasinayaan nina Finance Secretary Ralph Recto at BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr.
Mayroon na ring pondong inilaan para sa karagdagang pagtatayo ng Command Center sa mga tanggapan nina Assistant Commissioner for Large Taxpayers Jethro Sabariaga, Metro Manila BIR Regional Directors Dante Aninag (Makati City), Albino Galanza (East NCR), Mahinardo Mailig (Quezon City), Wrenolph Panganiban (Caloocan City), Renato Molina (City of Manila) at iba pang regional offices.
Sinabi ni Revenue Computer Expert Nolan Ofrecio, chief ng Administrative and Human Resource Management Division, na ang layunin nito ay ang mapabilis at mapadali ang proseso ng pagkolekta ng buwis.
Ang Command Center ay may kasamang mga proyektong naglalayong i-digitalize ang mga aspeto ng tax administration. Isa sa mga proyektong ito ay ang Online Registration and Update System (ORUS), kung saan maaaring magparehistro at mag-update ng impormasyon ang mga taxpayer online na hindi na kailangan pang pumila sa mga revenue district office.
Pinabababa rin nito ang sistema ng red tape, batay sa Republic Act No. 11032 o ang East of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 na ang layunin ay gawing mas madali at convenient ang pagko-comply ng mga taxpayer sa kanilang buwis sa pamamagitan ng digitalization.
Ang Command Center ay isang tool upang mapataas ang koleksiyon ng buwis sa buong bansa sa pamamagitan ng mas mabilis at mas epektibong proseso. Inaasahan na mas magiging maayos ang pagkolekta ng buwis mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Pinalawak din nito ang mga electronic payment channels at pagpapadali ng proseso upang patuloy na makakolekta ang BIR kahit sa panahon ng mobility restrictions sanhi ng pandemya. Sa kabuuan, ang Command Center ay isang hakbang tungo sa mas moderno at epektibong tax administration.
Gagawing modelo ang Command Center ng BIR para sa mas epektibong digitalisasyon ng koneksiyon mula sa BIR main office patungo sa mga regional office at revenue district office.
Sa kasalukuyan, ang BIR ay may 49 digitalization projects sa unang yugto ng kanilang 10-year Digital Transformation (DX) Roadmap. Sa kasalukuyan, 14 sa mga ito ay nailunsad o naipatupad na noong huling quarter ng 2021. Ang mga proyektong ito ay may layuning mapataas ang karanasan ng mga taxpayer at i-innovate ang mga proseso ng serbisyo ng BIR, palakasin ang administrasyon at suportang serbisyo, i-align ang mga patakaran sa digital work place at palakasin ang digital backbone ng kawanihan.
Sa pamamagitan ng Command Center, mapalalawak ang koneksiyon ng data mula sa Metro Manila office patungo sa mga provincial, regional at district office bilang konsepto ng data communications. Gayundin, upang ma-centralize ang monitoring ng mga transaksiyon sa kawanihan.
Ilan sa mga naipatupad ng proyekto ng BIR ay ang Internal Revenue Integrated System, Enhance Internal Revenue Stamps Integrated System, Electronic Filing and Payment System, Electronic Fund Transfer Instructions System, Hotkine/Chatbot, E-Payment Channels at Pay tax Online.