BIR UMALMA NA VS KOLUMNISTA

MASAlamin

Tila napuno na ang salop ni BIR chief Caesar Dulay at gumawa na ito ng kaukulang hakbang upang turuan ng leksiyon ang kolumnistang si Ramon Tulfo.

Ang dating tahimik na opisyal ng BIR ay gumawa na ng paraan upang matapos na ang umano’y mga walang basehang batikos sa kanya ng sinasabing hard-hitting journalist.

Nagsampa na ng kasong libelo at cyberlibel si Dulay laban kay Tulfo at mga opisyal ng Manila Times bunsod ng tatlong column na inilabas sa nasabing pahayagan, na dahil sa public nature nito ay dinampot din ng ibang miyembro ng media.

Inakusahan ni Tulfo sa kanyang column na pinamagatang “My Line of Sight: Conversation between two BIR execs reveals all” si Dulay na mayroong “skeletons in the closet at the graft-ridden agency”, samantalang ang pa­ngalawang column naman noong August 8, ay nagsasabi na nagkaroon umano ng bayaran sa multibillion peso tax cases mula sa mga delinquent na kompanya, at pinalalabas na si Dulay ay “insatiable greedy extortionist, a cheat and a corrupt official in (president) Digong’s government.”

Sa pangatlong co­lumn noong August 20, nanawagan si Tulfo ng isang imbestigasyon sa corruption laban kay Dulay at binansagan pa itong kompromisong pagbayad ng isang kompanya ng mahigit P65 million sa halip na sa “huge delinquent tax amounting to P8.7 billion.”

Ayon kay Dulay, ang mga nasabing co­lumn ay pawang walang katotohanan at nakasisira ng imahe ng isang opisyal at “not only directly pictured me as a corrupt official, an animal, a thief, minion of Satan, greedy bastard”, at maging “maliciously portrayed me as a ‘criminal’”.

Sa nasabing kaso, humihingi si Dulay ng danyos na P20 million para sa damages, at ang precautionary hold departure order laban kay Tulfo.

Ang mga kaso ay malinaw na hindi una para kay Tulfo dahil sa packaging niyang isang hard-hitting journalist na palaging kakampi ang mahihirap.

Sa katunayan ay ilang beses nang napahamak si Tulfo dahil sa kanyang brand of journalism, kung ito man ang tamang tawag dito.

Sa katotohanan na ang mga opisyal ay hindi dapat nagiging balat-sibuyas kapag nababatikos, aniya dapat ding responsable ang mga bumabatikos at ang lahat ng kanilang detalye ay nakabase lang dapat sa katotohanan at hindi sa fake news o sabi-sabi lang ng kung sino-sino.

Sa kaso ring ito, sinabi ni Dulay na hindi man lang inalam ni Tulfo kung totoo o hindi ang kanyang mga sinabi laban sa opisyal.

Ayon pa kay Dulay, ang kaso ng kompanyang hindi pinapa­ngalanan dito ay hindi umabot ng Court of Tax Appeals, at wala rin itong kompromisong nangyari kagaya ng sinasabi ni Tulfo.

“The collection was based on a series of assessments based on Revenue Procedures and delegated autho­rity. These assessments were based on documents submitted as part of the Revenue Procedures. Thus, we cannot just make up a collection amount without evidence to support it,” saad pa ni Dulay sa pagsampa ng kaso.

Maging si BIR exe­cutive Teresita Angeles, na inakusahan ni Tulfo na babaeng nasa likod ng video recording na nagsabing may malawakang corruption sa BIR, ay lumantad na rin upang itanggi na siya nga ang nasa video.

Matagal nang sinasabi ni Tulfo na siya ay isang journalist subalit patunay ang mga kaso sa kanya na hindi siya pasok kahit man lang sa minimum requirements ng pagiging isang matinong journalist na nagbe-verify ng detalye at hindi naniniwala sa fake news.

Comments are closed.