IKINATUWA ni Senador Win Gatchalian ang bagong batas na nagtatakda sa permanent validity ng live birth, death, at marriage certificates.
Saklaw ng Republic Act No. 11909 o ang Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act, na isinulong ni Gatchalian, ang mga certificate ng live birth, death, at marriage na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA), ng pinalitan nitong National Statistics Office (NSO), at ng local civil registries. Saklaw rin ng naturang batas ang mga certificate na inirehistro at inisyu ng Philippine Foreign Service Posts at na-transmit sa PSA.
“Dapat padaliin natin para sa ating mga kababayan ang pagkuha ng mga importanteng dokumento. Kaya naman isinulong nating magkaroon ng permanent validity ang ating mga birth, death, at marriage certificates upang hindi na mahirapan ang publiko sa pagkuha ng mga dokumentong ito,” ani Gatchalian.
Anuman ang petsa ng kanilang issuance, ang mga certificate na ito ay kikilalanin sa lahat ng mga transaksiyon sa gobyerno o sa pribadong sektor na nangangailangan ng katibayan ng pagkakakilanlan. Ngunit dapat nababasa pa rin at nananatiling maayos ang dokumento. Dapat ding nananatiling maayos ang authenticity at security features ng mga ito.
Nananatili ang permanent validity sa mga marriage certificate hanggang hindi ito napapawalang-bisa ayon sa Family Code of the Philippines o ano mang kasunod na batas na may kinalaman sa kasal.
Ipinagbabawal din ng batas sa mga tanggapan ng pamahalaan, kabilang ang mga lokal na pamahalaan at government-owned and – controlled corporations, mga pribadong kompanya, mga paaralan, at iba pang non-government entities na humingi ng bagong kopya ng mga bagong certificate kung mayroon namang valid na certificate na maaari nang ibigay.
Paliwanag ni Gatchalian, hindi na maaabala at madadagdagan ang gastusin ng publiko upang makakuha ng bagong kopya ng mga dokumentong ito.
VICKY CERVALES