BISA NG HEALTH PRODUCT LICENSES PINALAWIG

MAGPAPATUPAD ang Food and Drug Administration (FDA) ng malaking pagbabago na may mga bagong kautusan na naglalayong padaliin ang registration process at palawigin ang bisa ng health product licenses.

Ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na pagtutulak na palakasin ang public health safety at kaugnay sa panawagan ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. na padaliin ang government processes.

Sa isang matapang na hakbang, ipinalabas ng FDA ang Administrative Orders (AO) 2024-0015 at AO 2024-0016, na naglalayong balasahin ang regulatory landscape nito.

Ang mga bagong panuntunan ay hindi lamang nagpapadali sa proseso ng pagkuha ng License-to-Operate (LTO) para sa health establishments kundi pinalalawig din ang bisa ng naturang mga lisensiya, na binabawasan ang dalas ng renewals.

Gayundin, ang health product licenses ay maaaring magtagal ng hanggang 12 taon, kumpara sa dating tatlo hanggang limang taon.

Nagkakaloob ito sa mga negosyo, lalo na sa small and medium enterprises (SMEs), ng mas malawak na katatagan at mas kaunting regulatory hassle.

“Sa pamamagitan ng modernisasyon ng regulatory framework, layon ng ahensya na patuloy na suportahan ang paglago ng industriya ng pharmaceuticals, processed foods, cosmetics, at medical devices,” pahayag ng FDA sa isang statement noong Linggo.

Sa mga pagbabagong ito, sinabi ng FDA na ang pre-licensing inspections ay magpapatuloy at mananatiling mahigpit upang matiyak na matutugunan ng health establishments ang pinakamataas na safety at quality benchmarks bago tanggapin ang kanilang mga lisensiya.

Bukod dito, magpapatupad din ang FDA ng bagong iskedyul ng fees, na nagpapakita sa pinalawig na license periods at nag-aalok ng mas malinaw na panuntunan para sa lahat ng stakeholders.

Ang malaking bahagi ng pagbabago ay ang paglipat sa online processing, na titiyak sa mas episyenteng aplikasyon sa pamamagitan ng isang bagong digital system.

Ayon sa FDA, ang reporma ay bahagi ng mas malawak na layunin upang iayon ang local regulations sa international standards.

Nag-aalok din ito ng mas malawak na oportunidad para magtagumpay ang SMEs sa mabilis na umuunlad na health and wellness market. ULAT MULA SA PNA