SA bisa ng Executive Order ni Manila Mayor Honey Lacuna, idineklara nito ang araw ng Biyernes ay clean-up day sa Maynila
Sa nasabing EO, ang lahat ng departments, offices at bureaus sa ilalim ng Manila local government ay inutusang maglinis ng kanilang nasasakupan.
“ Nilagdaan ko noong unang araw ng Hulyo ang Executive Order No. 6 na nagtatalaga sa araw ng Biyernes bilang Clean-up Day at inaatasan ang lahat ng mga kawani, sa pangunguna ng mga pinuno ng kagawaran, na palaging tiyakin ang malinis at maayos na tanggapan, pati na ang lahat ng corridor sa harapan ng mga opisina at sa lahat ng sulok ng City Hall,” pahayag ng alkalde kaugnay ng kanyang unang flag-raising ceremony bilang bagong alkalde ng Maynila.
Idinagdag pa nito na: “Ito ay repleksyon na sasalamin sa maayos at malinis na pamamahala. Dito ay makikita rin natin ang pagkakaisa at kooperasyon ng bawat indibidwal na kabahagi ng ating pamahalaang lungsod,” aniya.
“Salamat sa agarang pagtugon ng mga kasamahan nating naglaan ng ekstrang oras nitong nakaraang Sabado at Linggo upang maglinis at mag ayos ng ating kapaligiran dito sa Manila City Hall. Maraming salamat sa tanggapan ng Engineering, City Electrician, City Planning, DPS, CGSO at Building Administration. Nasimulan na natin ito, ipagpatuloy na lang sana natin hanggang sa maging kaugalian na ng lahat,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ng alkalde na ang lahat ng barangay at hepe ng mga police stations ay obligado ring maglinis ng kanilang kapaligiran at Hindi maganda sa paningin.
Kabilang dito, ang basura, illegally-parked vehicles maging private at public utility at maging mga vendor na lalagpas sa kanilang itinakdang lugar.
Gayundin, pinasalamatan nito ang nagkusa nang maglinis ng kanilang nasasakupan kahit bago pa siya mag-ikot sa mga tanggapan ng City Hall nitong weekend.
Napuna rin ng alkalde na maging ang center islands at barricades ay ginagawa ng puwestuhan ng paninda kung kaya inatasan niya ang pulisya na panatilihin lamang ang mga vendor sa itinakdang lugar para sa mga ito.
Kaugnay nito, nilinaw ni Lacuna na walang umiiral na ‘zero vendor’ policy sa lungsod gaya ng ipinapakalat na fake news. VERLIN RUIZ