BIZ GRANT SA OFWs ILALATAG SA SETYEMBRE

OWWA

INAASAHANG mailalatag na ng Overseas Workers Welfare Administrations (OWWA) sa ikatlong linggo ng Setyembre ang small business grant para sa mga umuwing overseas Filipino worker dahil sa COVID-19, ayon kay Administrator Hans Leo Cacdac

“During the first two weeks of September, OWWA will announce the details of the rollout. Ia-announce po natin sa ating website sa owwa.gov.ph.  ang details ng application. Most probably third week of September magro-roll out na ito,” sabi ni Cacdac.

Nilinaw niya na hindi lahat ng aplikasyon para sa grant ay mapagbibigyan.

“Since ito ay grant, libre po ito … hindi utang na babayaran later… kasi hindi ho ito battle of entitlement o karapatan. Ang tinitingnan talaga natin dito ‘yung sino talaga ‘yung organisado na grupo, mayroong plano na pulido para sila ay magtagumpay,” wika ni Cacdac.

Aniya, kailangang suriin ng OWWA ang business application at plan na malaki ang posibilidad na magtagumpay.

Nauna rito ay inanunsiyo ng OWWA at ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-apruba sa  “Tulong Puso Group Livelihood Program” upang ayudahan ang OFWs.

Sa ilalim ng programa, P100k hanggang P1M ang ipagkakaloob bilang grant sa mga kuwalipikadong grupo ng OFWs na magsisimula ng sariling negosyo.

Ang bawat grupo ng applicants ay kailangang may limang miyembro, 80% sa kanila ay OFWs.

Ang halaga na matatanggap ng bawat grupo ay depende sa negosyo na nais nilang itayo.

“Dapat well-organized ‘yung business. Sa application, makita natin na ‘yung organization ay maganda ang pagka-set up,” ani Cacdac.

Ilalabas ng OWWA ang application guidelines sa mga susunod na araw.

Comments are closed.