BLACK, GUIAO, RACELA IGIGIYA ANG GILAS

MAGBABALIK sina veteran mentors Norman Black at Yeng Guiao sa All-Star, habang sasalang si Nash Racela sa kanyang  coaching debut sa midseason extravaganza ng PBA ngayong taon.

Ang tatlong coaches ay kinuha para gaba­yan ang Gilas Pilipinas All-Star national team na maglalaro laban sa tatlong magkakaibang All-Star squads sa meet na gaganapin sa Mayo 23-27.

Kinuha ng tatlo ang coaching duties mula kay Chot Reyes.

Sisimulan ni Black ng Meralco ang All-Star Week sa pagharap kay longtime rival Tim Cone at sa Mindanao All-Stars sa Mayo 23 sa Digos, Davao del Sur.

Gagabayan naman ni Guiao ng NLEX ang Gilas sa Mayo 25 sa Batangas City, kung saan mapapalaban siya kay San Miguel mentor Leo Austria at sa Luzon All-Star team.

Pamumunuan ni Racela ang national squad sa Mayo 27 laban kay Chito Victolero at sa Visayas All-Star sa final leg ng mid-season classic.

Magsisilbi itong homecoming para kina Black at Guiao.

Huling naging coach si Black sa All-Star game noong 1997,  habang pinamunuan ni Guiao ang North All-Star team na nagwagi sa South All-Star sa isang high-scoring game, 154-151, sa  2016 edition ng meet na idinaos sa Ara­neta Coliseum.

 

Comments are closed.