MUKHANG nasaktan ang damdamin ni team owner Dioceldo Sy ng Blackwater Elite makaraang maipaliwanag ang panig ng team sa posibleng paglabag sa quarantine protocol sa maagang pagbabalik nito sa ensayo.
Marahil ay nasaktan ang ego ni Mr. Sy kaya nagdesisyon ito na ibenta na lang ang prangkisa sa halagang P150-M. Matapos masabihan ang koponan ng PBA, sa pangunguna ni Kume Willie Marcial, ay ipinagpatuloy pa rin niyo ang pag-eensayo bago pa pinayagan ng Inter Agency Task Force (IATF) ang mga team na bumalik sa ensayo.
Sumunod pa rin naman ang Blackwater sa protocol na may physical distancing ang mga player habang nagsasagawa ng workout.
Nagsabi rin ang Games and Amusement Board (GAB) na papatawan ng kaparusahan ang ball club dahil lumabag ito sa kautusan.
Ang Blackwater ay pumasok sa PBA noong 2014-2015 season kasabay ng Columbian Dyip na dadalhin ngayon ang pangalang Terra Firma Dyip. Sa 15 conference ng Elite ay bukod tanging sila ang nakagawa ng playoffs ng apat na beses. Ang Blackwater ay naging matagumpay noong 2019 sa pagpasok ni Maurice Shaw, na may taas na 6’9.
Kinuha ng Elite si coach Nash Racela bilang head coach ng team ngayong 2020 kung saan pinalitan niya si Aris Dimaunahan.
Kaya sa mga nagkakainteres na bumili ng franchise ng Blackwater, open si Mr Sy dito.
Sana naman ay mahilot pa ni Kume at ng PBA Governors ang desisyon ni Dioceldo at ituloy ang laban sa Philippine Cup ngayong taon.
o0o
Napadalaw sa Manila ang tinaguriang “Magic Man” ng PBA na si Dondon Ampalayo, isa sa pinakasikat na player ng Ginebra noong 1986. Si Ampalayo ay halos 23 years nang naninirahan sa Estados Unidos kasama ang kanyang pamilya. Mayroon lamang itong isang anak. Halos isang taon na siya rito sa Pinas at naninirahan sa Cebu. Hindi pa rin nagbabago ang hitsura ni Ampalayo, siya pa rin ang kiniligan ng mga kolehiyala noon. Nakipagkita ang tubong Cebuano sa kanyang fans na naging matalik niyang kaibigan, kasama ang teammate nitong si Mike Advani. Pumunta sa Manila si Dondon dahil may aasikasuhin siya rito. Si Ampalayo ang naging ‘Rookie of the Year’ noong 1986.
o0o
Sino kaya itong ex-PBA player na hindi nakaipon kaya sa kasalukuyan ay naghihirap? Sayang ang kasikatan ng basketbolista noong araw, hindi sila nakaipong mag-asawa. Ang siste, nalulong sa sugal ang player kaya walang naipundar. Sayang. Kasi sa panahon na kasikatan nila, kahit sabihin na maliit ang sahod nila noon kumpara ngayon, malaking halaga na iyon. Sad naman.
Comments are closed.