BLACKWATER IMPORT DUMATING NA

SA MGA susunod na araw ay magsisimula na ang Blackwater Bossing na mag-ensayo kasama si import Jaylen Bond.

Ang tubong Norristown, Pennsylvania ay dumating sa bansa noong Linggo, at ngayo’y nagsasagawa ng personal workouts habang naka-quarantine sa Manila Hotel.

Kinumpirma ni team owner Dioceldo Sy na si Bond ang latest import na dumating matapos nina  Alaska Milk’s Olu Ashaolu, San Miguel Beer’s Brendan Brown, NLEX’s KJ McDaniels, NorthPort’s Cameron Forte at Terrafirma’s Antonio Hester.

Isang power forward para sa Texas noon sa Temple sa US collegiate basketball, palalakasin ni Bond ang bagong bihis na Blackwater squad sa layuning makabawi mula sa hindi magandang ipinakita noong nakaraang conference.

Sisikapin ng bagong coach na si Ariel Vanguardia at mga bagong players na sina Jvee Casio, Barkley Ebona, Rashawn McCarthy, Val Chauca at Jong Baloria na matulungan ang koponan na makabangon mula sa  record run ng pagkatalo simula sa 2020 Philippine Cup hanggang sa sumunod na all-Filipino tourney.

Umaasa ang management at coaching staff na magiging malaking tulong si Bond sa koponan.

Si Bond, 28, ay nakapaglaro na sa  Italy, United Arab Emirates at Bahrain.

Hindi na-draft sa  2016 NBA Draft, si Bond ay nagpakitang-gilas sa Westchester Knicks aa NBA D-League bago naglaro sa Pistoia team sa Italy, Al Nasr sa United Arab Emirates at pagkatapos ay sa Al-Muharraq sa Bahrain. CLYDE MARIANO