BLACKWATER SUMOSYO SA LIDERATO

BLACKWATER ELITE

Mga laro bukas:

(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – Columbian vs San Miguel

7 p.m. – Blackwater vs Ginebra

NAKUMPLETO ng Blackwater ang 113-111 come-from-behind win laban sa NorthPort  sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Sa panalo ay sumalo ang Elite sa liderato sa Barangay Ginebra na may 3-0 kartada.

Kumana ang Blackwater ng 14 points, kasama ang tres ni Michael Vincent de Gregorio sa huling 1.5 se­gundo, upang mapanatili ang walang dungis na kartada at ipalasap sa Batang Pier ang ika-5 sunod na pagkatalo.

Tumapos si De Gregorio na may 19 points, habang tumirada si Asian Games veteran John Paul Erram  ng 19 points at 7 rebounds.

May pag-asa pa ang Blackwater na maisalba ang laro at ipuwersa ito sa overtime, subalit tatlong beses na nagmintis ang mga bataan ni coach Pido Jarencio sa rainbow territory, kasama ang sablay na tira ni import Rashad Woods.

Dikit ang laban at nagtabla ng tatlong beses sa last quarter, ang huli ay sa 99-all, bago kumalas ang Blackwater at sungkitin ang panalo at palawigin ang paghihirap ng Batang Pier.

Umiskor si import William Henry Walker ng team-high 24 points, 15 rebounds at 4 assists, kasama ang pasa kay Nard  John Pinto na nagbigay sa Blackwater ng 102-99 kalamangan.

“They showed their true character. They played well and defended well. They refused to go down when the game was on the line. Hopefully, they would sustain their solid game,” sabi ni coach Bong Ramos.

Gumawa si Woods ng 31 points, subalit ang kanyang kaba­yanihan ay nabalewala upang manatili sa ilalim ng team standings ang NorthPort.

Abante ang Blackwater sa 87-79, subalit nag-rally ang NorthPort at inagaw ang trangko, 94-91, sa kalagitnaan ng last quarter. CLYDE MARIANO

Iskor:

Blackwater (113)  – Walker 24, DiGregorio 19, Erram 19, Belo 13, Sumang 9, Pinto 8, Zamar 6, Palma 4, Javier 4, Al-Hussaini 3, Maliksi 2, Jose 2.

NorthPort (111) – Woods 31, Pringle 18, Anthony 13, Elorde 12, Araña 9, Tautuaa 8, Taha 6, Grey 5, Guinto 4, Fortuna 3, Espinas 2, Gabayni 0.

QS: 23-39, 56-59, 79-87, 113-111

Comments are closed.